Home NATIONWIDE Panunumpa ng higit 4,000 bagong promote, talagang guro sa Region 2 pinangunahan...

Panunumpa ng higit 4,000 bagong promote, talagang guro sa Region 2 pinangunahan ni PBBM

1
0

CAGAYAN, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes ang mass oath-taking ceremony ng 4,125 bagong na-promote at bagong talagang education personnel ng Department of Education (DepEd) sa Cagayan Valley, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng pamahalaan ng mga oportunidad para sa career advancement sa pampublikong sektor ng edukasyon.

Sa oath-taking ceremony sa Santiago City Sports Arena sa Barangay Baluarte, sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ang mga promosyon sa mga hakbang ng administrasyon upang kilalanin ang serbisyo ng mga guro at mabigyan sila ng mga pagkakataong umunlad sa kanilang propesyon.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga guro sa kanilang dedikasyon at mga sakripisyo at pagsisikap na inilalaan nila sa pagtuturo at paggabay sa mga batang Pilipino.

Sinabi ni Pangulong Marcos na itinatag ang Expanded Career Progression (ECP) System upang tugunan ang matagal nang problema ng mga gurong maraming taon na nananatili sa parehong posisyon bago maging kwalipikado para sa promosyon.

“Kaya nangako ako sa ating mga guro: hindi na tayo papayag na mayroong guro na magre-retire bilang Teacher I,” ang bahagi ng pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, sa ilalim ng dating sistema, maaaring umabot sa 10 hanggang 20 taon ang paghihintay ng isang Teacher I bago maging Teacher III, habang maaari ring tumagal nang ganoon katagal ang pag-angat mula Teacher III patungong Master Teacher I.

“Hindi tama na ibinibigay ninyo ang napakalaking bahagi ng inyong buhay sa pagtuturo, tapos hindi kayo umuunlad sa inyong propesyon,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nagbubukas ang ECP System ng mas maraming oportunidad para sa mga guro at school head na umangat sa kanilang career habang patuloy na naglilingkod sa kanilang napiling larangan.

Batay sa pinakahuling datos ng pamahalaan hanggang Setyembre, nasa 82,105 guro at school head na sa buong bansa ang na-promote sa ilalim ng mga inisyatiba ng administrasyon para sa career progression.

Sinabi ng Pangulo na mahigit 4,000 guro at iba pang education personnel na nanumpa sa Region 2 ay nagsisimula na sa kanilang mga bagong posisyon bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng programa.

Pinangunahan naman ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara Jr. ang mass oath-taking ceremony.

Dumalo rin sa aktibidad sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy, na tubong Isabela, Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan, at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.

Kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, nagpasalamat si Pangulong Marcos sa mga guro at school principal sa kanilang mga sakripisyo, pagtitiyaga at napakahalagang ambag sa edukasyon ng mga henerasyon ng mga Pilipino.

Binati rin ng Pangulo ang mga bagong na-promote na guro at school head sa kanilang mahalagang tagumpay sa kanilang propesyon at muling tiniyak ang pangako ng administrasyon na magbigay ng mas maraming oportunidad para sa career advancement ng mga guro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here