Home NATIONWIDE Panunumpa ni Digong bilang Davao City mayor, ipinagdarasal ni VP Sara

Panunumpa ni Digong bilang Davao City mayor, ipinagdarasal ni VP Sara

MANILA, Philippines – UMAASA at nagdarasal si Vice President Sara Duterte na makakapanumpa ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte bilang halal na Alkalde ng Davao City bago pa magsimula ang bago nitong termino bilang local chief executive sa Hunyo 30.

Sinabi ni VP Sara sa isang news conference na hindi niya alam kung ano ang napag-usapan ng kanyang ama at abogado nito kaugnay sa panunumpa sa kanyang bagong tungkulin bilang Alkalde ng Lungsod ng Davao.

“As a Davaoeño, I hope and pray that he takes his oath because I voted for him, I want him to be mayor of Davao City. That is my prayer, but we do not know what are the discussions between lawyers and former President Duterte,” ayon kay VP Sara.

“So we wait if he takes his oath. Or he doesn’t take his oath, then we will have a situation where Davao City has an acting mayor,” aniya pa rin.

Si Digong Duterte ay nahaharap sa posibleng kasong “crime against humanity” dahil sa brutal na anti-narcotics campaign ng kanyang administrasyon habang presidente, at sa extrajudicial killings sa Davao City noong mayor pa siya ng lungsod.

Sa kabilang dako, sinagot naman ni VP Sara ang pahayag ng Malacañang hinggil sa kanyang naging biyahe sa Australia kung saan siya dumalo sa isang rally bilang suporta sa kanyang ama.

“Kapag personal siya at walang gamit na pera ng gobyerno, ‘di mo kailangan mag-report. Ganoon lang ‘yan kasimple na kailangan ko pa i-explain… Nakakahiya na ‘yung ginagawa nila,” ayon kay VP Sara.

“‘Yung totoo lang, as a Filipino, I am truly embarrassed with what is happening to our country, especially coming from the administration,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, sa sinabi pa rin ng Malacañang na tila dinededma lamang niya ang usapin ng pananagutan sa pagdedeklara na siya (VP Sara) ay frontrunner para sa 2028 presidential elections, ang tugon ni VP Sara ay, “Kapag walang nangyayari sa administrasyon mo at walang ginagawa ‘yung principal o presidente, ang gagawin nila is magtuturo ng ibang tao.”

“Kapag merong kwestyon sa kawalan ng ginagawa ng administrasyon, ang gagawin nila is magtuturo sa ibang tao para mawala ‘yung mga tanong at para magugulo ‘yung ibang tao. That is a classic political scapegoating,” ang winika nito. Kris Jose