Home NATIONWIDE PAOCC duda sa banta sa buhay ni Guo

PAOCC duda sa banta sa buhay ni Guo

MANILA, Philippines – Duda si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na may banta sa buhay ng na-dismiss na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Gayunpaman, sinabi niya na titingnan ng gobyerno ang kanyang claim na diumano ay kanyang dahilan kung bakit siya nagtago sa Indonesia.

“Tignan natin kung may katotohanan ba o wala kasi kung threat lang ang paguusapan dapat mas matakot ang mga nag tatrabaho para matulungan sila,” ani Casio sa isang interbyu. “Alangan naman ipapatay sya ng sarili nyang ama.”

Bilang alkalde, inakusahan si Guo ng pag-back up ng isang POGO sa Bamban, sa likod lamang ng town hall bilang front para sa online hacking at digital scam. Ang kanyang pagkakakilanlan ay kinukuwestiyon din dahil siya ay nahalal na alkalde sa kabila ng pagiging isang Chinese national.

Sinabi ni Casio na dapat ding imbestigahan ang mga umano’y nagpadali sa pagtakas ni Guo sa Pilipinas.

Kabilang daw sa kanila sina Warren Wu at Xiang Dian.

“Mukha ba syang pinagbabantaan ni Warren Wu? In fact nakunan sya ng picture kasama si Alice Guo nasa airport sila. Sino ba nagbabayad ng hotel nila? ‘Di ba si Xiang Dian,” aniya.

“(So) sinong pinagsasabi n’ya nagbabanta sa buhay n’ya? Baka naman imahinasyon lang yan dulot ng depresyon o kung ano man ang problemang kinahaharap niya.”

Iniimbestigahan din ng Philippine National Police ang claim ni Guo.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hindi nila maaaring balewalain ang mga posibleng banta sa buhay ni Guo.

“On the part of PNP, this is not just applicable on the case of Alice Guo, pati na rin sa ibang nagsasabi na meron silang threat eh nagsasagawa tayo ng threat assessment for the purpose of providing necessary security,” ani Fajardo.

“Particularly lalo na itong mga aksong kinahaharap ni Alice Guo ay high profile cases. Hindi pwedeng ipagwalang bahala ng PNP yung sinasabi nya. So we really have to treat this as serious also for purpose of providing security sa kanya.” RNT