MANILA, Philippines- Ipinalabas ng opisina ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte nitong Martes ang resulta ng hair follicle test ng mambabatas para sa illegal drugs.
Base sa drug test document, na ibinahagi ng opisina ni Duterte sa mga miyembro ng media, hiniling ng Hi-Precision Diagnostics Center ang pagsusuri sa hair sample ng mambabatas sa Omega Laboratories noong Oktubre 28. Ipinakita rin nito na kinolekta ang hair sample ni Duterte noong October 23.
Gayundin, sinuri ang hair sample ni Duterte para sa iba pang droga kabilang ang Amphetamine, Methamphetamine, Cocaine/Metabolites, Opiates, Extended Opiates, Phencyclidine (PCP), THC Metabolite (Marijuana), at Benzodiazepines.
“All tests returned negative results, indicating that none of these substances were detected in Duterte’s system,” base sa pahayag ng opisina ni Duterte.
Giit ng opisina, pinatutunayan nito ang pahayag ni Rep. Paolo Duterte na “being drug-free amidst rumors and accusations surrounding political figures.”
Bukod kay Duterte, sumailalim din si PBA party-list Rep. Margarita “Migs” Nograles sa hair follicle drug test. Hindi pa lumalabas ang resulta ng drug test ni Nograles.
Nauna nang hinamon nina Duterte at Nograles ang isa’t isa na sumailalim sa test para sa illegal drugs. Magtatapat sina Nograles at Paolo Duterte sa pagka-kongresista ng Davao City 1st District sa May 2025 polls. RNT/SA