Home NATIONWIDE Paraan ng distribusyon ng ayuda sa San Juan, pinuna ni Ejercito

Paraan ng distribusyon ng ayuda sa San Juan, pinuna ni Ejercito

MANILA, Philippines – Sinupalpal ni Senador JV Ejercito ang panuntunan ng San Juan City sa distribusyon ng ayuda at pagbisita sa mga evacuation center.

Tinawag niya itong “unjust” at malinaw na uri ng “abuse of power.”

Nitong Lunes, Setyembre 2, nag-isyu ang lungsod ng Ordinance No. 26-2024 na nagbibigay mandato sa lahat ng mga donasyon mula sa pribado at pampublikong indibidwal, pamahalaan o non-government organizations para sa mga biktima ng kalamidad na dapat ay dumaan muna sa Office of the Mayor upang ito ay masigurong maitatala at maiuulat ng maayos.

Dahil dito ay kailangang kumuha ng entry permit ang mga bibisita at magbibigay ng tulong mula sa Office of the Mayor upang masiguro ang kaayusan sa mga evacuation site at kaligtasan na rin umano ng mga evacuee.

Magpapataw ng P5,000 multa ang ordinansa sa mga lalabag sa kautusan.

Para kay Ejercito, mapipigilan lamang nito ang mga tao na tumulong.

“Ang pagpapataw ng multa sa mga nais tumulong ay hindi makatarungan at isang malinaw na anyo ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa halip na hikayatin ang bayanihan, pinipigil pa nito ang mga nagmamalasakit na magbigay ng ayuda sa nangangailangan,” saad sa pahayag ni Ejercito nitong Martes, Setyembre 3.

Nakaka-alarma rin ani Ejercito ang pagnanais ni San Juan City Mayor Francis Zamora na kontrolin ang distribusyon ng ayuda gayong ang tulong ay “should always be open” at malayang ibinibigay “without any kind of manipulation.”

Dapat aniya ay tutukan ng local na pamahalaan ang kaayusan ng mga residente nito sa halip na ang kanilang personal at political interests.

Inalala ni Ejercito ang kanyang mga nagdaang karanasan kung saan nahirapan siyang tumulong sa mga residente ng San Juan dahil hindi siya pinapayagan ng lokal na pamahalaan na gawin ito.

“Hindi katanggap-tanggap na haluan ng pulitika at pagka-benggador ang pagbibigay ng ayuda para sa mga taga-San Juan. San Juaneños deserve better,” ani Ejercito.

Wala pang tugon ang San Juan LGU kaugnay nito. RNT/JGC