Home METRO Parak, asawa tinadtad ng bala sa Munti

Parak, asawa tinadtad ng bala sa Munti

MANILA, Philippines – Patay ang isang opisyal ng Muntinlupa Police at ang kanyang asawa nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanilang tahanan nitong Lunes, Setyembre 16.

Sa ulat, kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga biktima na sina Capt. Aminoden Mangonday, 40, at asawa nitong si Mary Grace, 40.

Ang kanilang 12-taong-gulang na anak na babae ay sugatan sa pag-atake.

Nangyari ang pamamaril dakong ala-1:10 ng madaling araw habang nasa kanilang bahay ang mga biktima sa Ilaya Street sa Barangay Alabang, Muntinlupa.

Ayon sa pulisya, isang hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang pumasok sa bahay at pinagbabaril sila. Agad na namatay ang mag-asawa habang sugatan ang anak na babae at isinugod sa ospital para gamutin.

Inilarawan ang suspek na mahaba ang buhok, 5’9″ ang taas, at nakasuot ng itim na jacket at itim na pantalon.

Si Mangonday ay isang multi-awarded police official at hepe ng Muntinlupa Police’s Community Affairs Section.

Natanggap niya ang Outstanding Police Service Award 2024 sa Ignacio B Jimenez PNP Awards, Excellence in the Line of Service 2024 na ipinagkaloob ng JCI Manila at ng Philippine National Police.

Si Mangonday ay tumanggap din ng AGC Honest Cop Award mula sa Aclan Group of Companies at Best Policeman of the Year sa TVC Maharlika Awards

Nakatanggap din siya ng Outstanding Police Community Affairs Development Junior Police Commissioned Officer award mula sa PNP noong Hulyo.

Samantala, kinondena ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang insidente.

“We condemn in the strongest terms the brazen attack on the family of PCPT Aminoden Mangonday which has resulted in the death of the police officer and his wife and the wounding of his daughter. This act of violence against a law enforcement officer and his family should be investigated thoroughly, leaving no stone unturned to find the perpetrators and the mastermind and prosecute them. The people of Muntinlupa mourn for this loss of a fellow public servant and his wife,” ani Biazon. RNT