MANILA, Philippines – Patay ang isang pulis at suspek sa nangyaring barilan sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw, Hunyo 30.
Ayo sa ulat, rumeresponde si Patrolman Harwin Curtney Bagga at kasamahan nito sa insidente ng pagnanakaw sa Katipunan Street nang maisahan ito ng suspek at barilin ang mga ito.
Sa kabila na tinamong tama ng bala ng baril, nagawang makapagbalik ng putok sina Bagga at kasamahan nito, dahilan para masawi ang suspek.
Samantala, dinala si Bagga sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.
Dumiretso sa dibdib ang bala na tumama sa kanyang braso.
Sa kaugnay na balita, tinamaan din ng nangyaring barilan ang biktima ng pagnanakaw, isang food cart owner at isang bystander.
Ayon sa National Capital Region Police Office, nakaharap na pala ng mga rumespondeng pulis ang suspek na napagtanungan pa nila ng direksyon at nagturo ng umano’y pinuntahan ng magnanakaw.
Nang tumalikod na ang mga pulis ay dito na binunot ng suspek ang baril at pinaputukan ang mga ito.
Naghahanda na ang Philippine National Police ng award sa napatay na pulis. RNT/JGC