NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Nanatili sa 0.4 percent ang dengue case fatality rate ng Pilipinas o humigit-kumulang apat na pagkamatay sa bawat 1,000 kaso, sinabi ng Department of Health (DOH).
Sa harap ito ng pagsusulong ng Pilipinas na maging zero deaths sa dengue matapos makitaan ang bansa ng pagsirit ng kaso noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, ang pagdami ng kaso ng dengue ay maaaring bumagal pero ang pagdami ng namamatay o bilang ng namamatay ay puwedeng wakasan.
Mula Enero hanggang Marso 2025, nakapagtala ang Pilipinas ng 62,313 dengue cases na 73 percent na mataas kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Ang rehiyon na may pinakamaraming kaso ng dengue ay ang Calabarzon na may 12,735 kaso; National Capital Region (NCR) na may 11,291 at Central Luzon na mayroong 10,185 na kasong naitala.
Sa nasabing panahon, ang case fatality rate ay 0.35 percent kumpara sa 0.42 percent na naitala noong 2024 ayon sa datos mula sa DOH.
Lagi namang nagpapaalala ang DOH sa publiko na agad komunsulta sa doktor sa sandaling makaranas ng sintomas ng mosquito-borne disease, dahil ang karaamihan sa mga pasyente na namatay sa dengue ay hindi nabigyan ng agarang lunas.
Samantala, nilinaw ni Domingo na ang restructuring ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay hindi makakaabala sa mga serbisyong ipinaabot ng ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden