MANILA, Philippines – Kinumpiska ng mga rumespondeng tauhan ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang parcel na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱396,440 na tangkang ipuslit palabas ng bansa, Huwebes ng tanghali, Setyembre 25.
Batay sa report ng IADITG, isinagawa ang interdiction operation ng pinagsanib na tauhan ng nasabing ahensya bandang alas-12:30 ng tanghali sa DHL Cargo Warehouse, NAIA Complex, Andrews Avenue, Pasay City.
Ayon sa IADITG, ang naturang parcel ay idineklarang “2 carbonated water filter” na ipinadala ng isang Alberto A. Marrayo ng 17-B Sampaloc Street, Sampaloc East, 1008, National Capital Region, Philippines, at naka-consign naman kay Christine Lyn ng 55 Coolibah, 4221 Palm Beach QLD, Australia.
Taliwas sa deklarasyon, ang parcel ay naglalaman ng dalawang kulay puting cylindrical container na may lamang 15 heat-sealed transparent plastic sachets at isang yellowish hard plastic sachet, kung saan may kabuuang 58.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱396,440.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.
Paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap na kaso ng mga sangkot sa tangkang pagpuslit palabas ng bansa ng naturang ilegal na droga. James I. Catapusan