MANILA, Philippines – Tiniyak ng Senate finance committee na ibibigay ang parliamentary courtesy sa Office of the Vice President sa pagdinig ng 2027 budget nito, dumalo man o hindi si Vice President Sara Duterte upang idepensa depensahan ang pondo nito.
“Bakit hindi? Matagal nang kaugalian ang pagbibigay ng parliamentary courtesy bago pa man ang lahat ng ingay sa pulitika. Kaya bibigyan natin ng courtesy ang OVP, katulad ng courtesy na ibinibigay natin sa Office of the President,” sinabi ni Sen. JV Ejercito na chairman ng finance committee, sa panayam ng radyo dzBB nitong Linggo.
Nakatakdang isagawa ng komite ang pagdinig sa budget ng OVP bukas, Oktubre 20.
Wala pang kumpirmasyon kung dadalo si Duterte sa pagdinig, ngunit sinabi ni Ejercito na maiintindihan nila kung hindi sisipot ang Bise Presidente.
“Kung darating siya, well and good. Kung hindi, okay lang din, naiintindihan namin. Didinigin namin nang maayos ang mga programa ng OVP. Kung maibibigay namin ang hinihingi nilang pondo, ibibigay namin,” ani Ejercito.
“Kung wala siya, tingnan natin kung may authorized representative siya. Alam naman natin ang sitwasyon, at siguro ay isasaalang-alang natin yun — kung mayroong awkwardness kaugnay sa nangyayari sa impeachment trial,” dagdag pa niya.
Sinabi niyang maaari rin niyang konsultahin ang ibang miyembro ng finance committee kung paano nila itatrato o hahawakan ang pagdinig sa budget ng OVP.
“Pero para sa akin, mas mahalaga na marinig natin ang budget ng OVP at ang kanilang mga programa, at kung maibibigay natin ang kinakailangan nilang pondo. Mas mahalaga yun kaysa kung dadalo o hindi ang Bise Presidente,” dagdag niya.
Nauna nang iniugnay ni Duterte ang impeachment proceedings sa umano’y pamimigay ng pera at political maneuvering kaugnay ng panukalang 2027 national budget.
Kinuwestyon niya kung ginagamit ang pondo ng bayan para impluwensyahan ang mga senator-judges at mga miyembro ng Kamara.
“Ginagamit ba ang budget para pagsilbihan ang sambayanang Pilipino, o naging bargaining chip na ito para i-pressure ang mga senador na uupong hurado at gantimpalaan ang mga boboto ng ‘yes’ sa House of Representatives?” tanong ni Duterte, ngunit hindi siya nagtukoy ng partikular na transaksyon o indibidwal na umano’y sangkot.
Nang tanungin kung pagsasabihan ng Senado ang Bise Presidente dahil sa kanyang mga pahayag, sinagot ni Ejercito: “Bakit naman namin siya pagsasabihan sa gitna ng tensyonadong sitwasyon? Bakit pa natin gagatungan? Wala tayong mapapala kung gagawin namin yun.
“Naapektuhan na ng pamumulitika ang ating ekonomiya. Naiwan na tayo ng ibang bansa dahil abala tayo sa away habang sila ay patuloy na umuunlad,” aniya. Ernie Reyes