MANILA, Philippines – Pinawalang bisa ng Supreme Court en banc ang pag-upo ni dating Commission on Elections commissioner Rowena Guanzon bilang first nominee ng P3PWD Party-List na nanalo sa 2022 party-list elections.
Sa desisyon ng En Banc, idineklarang null and void ang Comelec Minute Resolution No. 22-0774 na pumayag na maging substitute si Guanzon bilang nominee ng P3PWD.
Sinabi ng SC na nakagawa ng “grave abuse of discretion” ang Comelec dahil inilabas ang naturang resolusyon lagpas sa deadline ng Comelec.
Iniutos rin ng Korte na gawing permanente ang inisyu nito na Temporary Restraining Order noong June 29, 2022 laban kay Guanzon.
Maliban kay Guanzon, idineklara rin na walang bisa ang nominasyon nina Rosalie Garcia, Cherie Belmonte-Lim, Donnabel Tenorio at Rodolfo Villar.
Pinuna ng SC ang nakakahiyang ginawa ng Comelec na magamit ang mismong institusyon bilang kasangkapan para sa isamg pakana.
Inatasan ng Mataas na Hukuman ang P3PWD na isumite ang pangalan ng karagdagan na nominees ngunit pinagbawalan na isama pa sa nominees ang idineklarang null and void ng korte.
Una nang kinuwestyon ng Duty to Energize the Republic Through the Enlightenment of the Youth o Duterte Youth Party-List ang Commission on Elections kung bakit pinayagan si dating Comelec commissioner Ma. Rowena Amelia V. Guanzon bilang substitute nominee para sa (P3PWD) Komunidad ng Pamilya, Pasyente at Persons with Disabilities.
Hinihiling ng Duterte youth partylist sa Korte Suprema na pigilan ang proklamasyon ng Comelec kay Dating Commissioner Guanzon bilang kinatawan sa Kamara dahil sa hindi pagsunod sa proseso ng partylist system. Teresa Tavares