Home NATIONWIDE Pasaherong tumalon sa barko, nasagip ng PCG

Pasaherong tumalon sa barko, nasagip ng PCG

MANILA, Philippines – Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang lalaki na nahulog sa dagat sa Lucena Port sa Quezon noong Linggo.

Sinabi ng PCG na ang Coast Guard Sub-Station-Lucena search and rescue team, sa koordinasyon ng Sea Marshal Unit ng Southern Tagalog, ay tumugon sa insidente nang matanggap ang ulat mula sa duty operations officer ng Starhorse Shipping Lines.

Ayon sa pamilya ng biktima, ang 50-anyos na residente ng Poblacion, Milagros, Masbate, ay bumabyahe kasama ang kanyang pamangkin sakay ng MV Virgen De Peñafrancia XII.

Ang barko ay umalis mula sa Bapor, Masbate Port, noong Pebrero 1 at dumating sa Lucena Port kinabukasan.

Habang naghahanda sa pagbaba, ang biktima ay hindi inaasahang umalis sa kanyang itinalagang lugar at tumalon sa dagat.

Ang biktima ay dati nang may mental o sikolohikal na kondisyon ayon sa pamangkin nito.

Dumating ang anak ng biktima sa Philippine Ports Authority Port Police para kunin ang ama.

Dinala siya sa Quezon Medical Center para sa karagdagang medikal na pagsusuri.

Pinayuhan naman ng PCG ang shipping line na magsagawa ng mas mahigpit na pagbabantay lalo na sa pagbaba ng mga pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden