MANILA, Philippines — Hiniling ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkansela ng pasaporte ni gaming tycoon Charlie “Atong” Ang kaugnay ng mga inilabas na warrant of arrest laban sa kanya sa kasong kidnapping with homicide kaugnay ng nawawalang mga sabungero.
Sa panayam nitong Lunes, Enero 19, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isinumite na ang kahilingan sa Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA).
“Kasama na ‘yan sa nire-request namin sa DOJ at DFA. Parating na ‘yan,” ani Remulla.
Tiniyak din ng kalihim na batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Immigration, wala pang rekord na umalis ng bansa si Ang at naniniwala silang nasa Pilipinas pa ito.
Ito ay taliwas sa pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na nagsabing naniniwala siyang nakalabas na ng bansa ang negosyante.
“Susuriin namin lahat ng impormasyon. Marami kaming natatanggap na tips. Titingnan din namin ang sinabi ni Patidongan,” dagdag ni Remulla.
Noong Enero 14, naglabas ang Regional Trial Court Branch 26 sa Sta. Cruz, Laguna ng warrant of arrest laban kay Ang at 17 iba pa para sa kasong kidnapping with homicide.
Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 17 sa 18 akusado ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Noong Enero 16, naglabas din ng hiwalay na warrant ang korte sa Lipa City, Batangas laban kay Ang kaugnay ng kaparehong kaso.
Humiling na rin ang PNP-CIDG ng Interpol red notice laban sa kanya, habang nag-alok ang mga awtoridad ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto.
Nauna nang tiniyak ng Malacañang na walang magiging espesyal na pagtrato kay Ang. RNT/JGC