MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit 100 katao ang nahilo at nawalan ng malay sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Sinulog Festival 2026 noong Enero 18, habang tinatayang 5.2 milyong deboto ang dumagsa sa mga aktibidad sa Cebu City.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng matinding pagkapagod, init ng panahon, at kakulangan sa pagkain at tubig na nagresulta sa dehydration.
Agad na dinala ang mga nahilo sa medical stations na itinayo sa Cebu City Sports Center para mabigyan ng lunas.
Ilan sa mga pasyente ay mga kalahok na mananayaw at propsmen sa Sinulog 2026 Grand Ritual Showdown. Karamihan sa mga propsmen ay nagreklamo ng matinding pagod matapos ang kanilang pagtatanghal.
Nasaksihan mismo ni Mayor Nestor Archival ang maagap na pagtugon ng mga responder at kawani ng Cebu City Health Department sa mga insidente.
Bukod sa pagkahilo, nagtala rin ng ilang minor injuries gaya ng tama ng mga props, habang isang indibidwal ang isinugod sa ospital dahil sa hinihinalang appendicitis, ayon kay Cebu City Health Department head Dr. Daisy Villa.
Sinabi ni Archival na nanatiling mapayapa at matagumpay ang selebrasyon ng ika-461 Fiesta Señor, batay sa pagsusuri ng pulisya at ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ng alkalde ang suspensyon ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Cebu City ngayong Lunes, Enero 19, upang bigyang panahon ang mga residente—lalo na ang mga lumahok sa mga aktibidad—na makapagpahinga. RNT/JGC