Home HOME BANNER STORY Pasaporte ni Quiboloy, pinakakansela sa DFA

Pasaporte ni Quiboloy, pinakakansela sa DFA

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kaagad kanselahin an passport ng nagtatagong si Apollo Carreon Quiboloy upang hindi makapuslit ng bansa.

Ipinanawagan ito ni Hontiveros matapos patuloy na binabalewala ng lider ng Kingdom of Jesus Christ ang subpoena ng Senado na dumalo sa imbestigasyon maging sa korte.

“Imbes na magpakita sa Senado o sa mga korte, panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayanan ng gubyerno na matuntun siya. This is appalling. This should not be allowed to pass, but only challenge government more to exhaust all means to restrict his movements,” giit ni Hontiveros.

Sa nakaraang interview, sinabi ni DFA spokesperson Teresita Daza na kapag kinansela ang isang passport, magsisilbi itong “red flag sa anumang aplikasyon sa DFA consular offices sa loob at labas ng bansa.

Binanggit din ni Daza na kapag kinansela ang pasaporte, iniuulat ito sa Bureau of Immigration at Interpol office sa Pilipinas saka ipapaalam nito sa Interpol HQ, at isasama sa alert system ng international border controls.

“The world is closing in on him. He is accused of crimes that transcend continents and nationalities. Tiwala ako na maraming bansa ang handang makipagtulungan sa Pilipinas para papanagutin siya,” ayon sa senador.

Tinukoy din ni Hontiveros na ilang sa biktimang nakaligtas kay Quiboloy ay pawang dayuhan na tumestigo sa pagdinig ng Senate Committee on Women.

“Kung ang puganteng Kongresista ay nahuli, sana naman maaresto din ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo. Hindi niya matatakasan ang batas habambuhay,” ani Hontiveros. Ernie Reyes