Home NATIONWIDE Hontiveros nais ng mas maikling deadline sa pagsuko ng mga armas ni...

Hontiveros nais ng mas maikling deadline sa pagsuko ng mga armas ni Quiboloy

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Philippine National Police na magpatupad ng mas maikling deadline para isuko na ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy ang kanyang mga armas.

Noong Biyernes, Abril 26, kinansela na ng PNP ang gun permits ni Quiboloy at binigyan ito ng anim na buwan para isuko ang 19 assorted firearms niya.

“Sana mas madaling panahon o deadline because I’m hoping that all the legislative and also legal including law enforcement procedures ay hindi aabot ng kalahating taon,” pagbabahagi ni Hontiveros sa panayam ng ANC nitong Lunes, Abril 29.

“Kasi ibig sabihin kalahating taon may ganyan tayong isa pang private army sa ating bansa. And please make sure na 19 firearms lamang ba ang covered, parang mas marami ‘yung pino-post sa mga litrato nung private army na ‘yon sa Facebook,” dagdag pa niya.

Nagbabala rin si Hontiveros na ang private army ni Quiboloy ay mananatiling “armed and dangerous” kung mabibigo ang pamahalaan na buwagin ito.

Wala namang impormasyon ang PNP kaugnay sa umano’y private army ni Quiboloy.

“Hindi natin alam yung information with due respect kay Sen. Hontiveros, with respect doon sa sinasabi niya na private army ni Pastor Quiboloy. We don’t have any information on that,” sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ngayong buwan. RNT/JGC