MANILA, Philippines – Nakatakdang i-blacklist ng Department of Agriculture (DA) ang apat na trader sa pinaigting na crackdown nito laban sa mga pasaway na importer at mga smuggler ng agricultural products.
“You will see in the next few months, marami akong iba-blacklist na kumpanya, iyong mga smugglers, kasi that’s economic sabotage,” sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga mamamahayag nitong Miyerkules, Hunyo 26.
Aniya, kabilang dito ang apat na importer ng bigas, isda at asukal.
Ani Laurel, ang DA ay nagpapatupad ng mahigpit na compliance sa deklarasyon ng sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC) bago ito ibagsak sa mga pantalan ng bansa.
“Gumawa ako ng bagong rule na kapag umalis iyong barko mula sa origin, after 24 hours, kailangan i-declare nila, to us, to DA-IE (Department of Agriculture-Inspectorate and Enforcement) kung ano iyong valid SPSIC na pwede nilang gamitin sa barko. Ngayon hindi na sila makakalusot,” anang opisyal.
Naunang ipinag-utos ni Laurel ang kanselasyon ng SPSIC sa rice importer sa Batangas matapos na ideklara lamang ang 20% ng kabuuang kargamento nito.
Ani Laurel, papasok din ang DA sa kasunduan sa Food and Drug Administration (FDA), na magmomonitor ng importasyon ng processed goods, para sa mas mahigpit na border measures para maresolba ang agricultural smuggling.
“Nag-usap na kami ni DG (FDA Director General Samuel) Zacate. We agreed na mag-MOU (memorandum of understanding) na kami dalawa.”
“Doon sa loophole na sinasabi na processed goods ito, tapos ipapasok nila, sa harap processed goods, sa likod agri na Peking duck or whatever kasi ang processed goods are not under DA, it’s under FDA,” aniya. RNT/JGC