Home NATIONWIDE Pasay councilor na mayoralty candidate, pinagpapaliwanag ng Comelec sa ‘bumbay’ remarks

Pasay councilor na mayoralty candidate, pinagpapaliwanag ng Comelec sa ‘bumbay’ remarks

Pasay City — Pinadalhan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) si Pasay City Councilor at mayoralty candidate Editha Wowee Manguera dahil sa umano’y pahayag ng diskriminasyon laban sa mga dayuhang estudyante sa Pasay City General Hospital.

Ang show cause order ay ipinadala matapos kumalat sa social media ang video kung saan maririnig ang pahayag ni Manguera na nagsasabing, “Tanggalin na natin ang Bumbay para mawala na ang amoy sibuyas sa PasayGen.”

Ayon sa Comelec, posibleng lumabag si Manguera sa Anti-Discrimination at Fair Campaigning Guidelines na nakapaloob sa Resolution No. 11116, na nagbabawal sa diskriminasyon at nagtataguyod ng patas at makataong pagtrato sa lahat ng tao anuman ang lahi o pinagmulan.

Binigyan ng Comelec si Manguera ng tatlong araw upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan o madiskwalipika sa halalan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)