Home METRO Pasay LGU nag-iisang lungsod sa Metro Manila na kinilala ng DOH

Pasay LGU nag-iisang lungsod sa Metro Manila na kinilala ng DOH

MANILA, Philippines – Ginawaran ng Department of Health (DOH) ang Lungsod ng Pasay, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, ng prestihiyosong “Kampeon Ng Kalusugan sa Komunidad” award sa Le Pavillon, Pasay City Lunes ng hapon, Pebrero 10.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang lungsod ang nag-iisang local government unit (LGU) sa Metro Manila na nakatanggap ng ganitong uri ng award na nagpapatunay ng walang humpay na komitment sa larangan ng pampublikong kalusugan sa lungsod.

Ang nakamit na award ng lokal na pamahalaan ng Pasay ay nagpapakita ng katuparan ng lungsod ng tagumpay sa paagkakaroon ng malinis at maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa komunidad.

Ayon kay Calixto-Rubiano, naging mahigpit ang DOH sa kanilang criteria sa pagpili ng paggagawaran ng nabanggit na award na sumesentro sa pagbibigay ng epektibong pagsisikap na maabot ang community-based na inisyatibong pangkalusugan.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang komprehensibong programa ng lungsod ay idinisenyo upang mas mapaigi pa ang kalusugan at wellness ng mga residente na higit pang mas mataas o lampas sa itinakdang high standards.

Kasabay nito ay ikinagalak at nagpasalamat si Calixto-Rubiano sa pagkilala ng DOH sa lungsod dahil na rin sa sama-samang pagsisikap at pagtutulong-tulong ng lokal na pamahalaan, healthcare professionals, at miyembro ng komunidad.

Binigyang halaga din ni Calixto-Rubiano ang dedikasyon ng lungsod sa pagbibigay ng mabilis at dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa lahat ng residente sa ilalim ng “Tapat at Higit pa sa Sapat na Paglilingkod.”

Ang paggawad ng award ng DOH sa lokal na pamahalaan ay nagsisilbing matatag na pag-eendorso ng komitment sa pampublikong kalusugan na nagpapakita ng dedikasyon sa pagbuo ng malusog at mas masaganang komunidad sa mga residente ng lungsod. James I. Catapusan