MANILA, Philippines – Nakabantay ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa mga ‘splice video’ na lumalabas ngayon sa social media kaugnay pa rin sa election 2025 bilang panira sa mga kalabang kandidato.
Sa Meet the Press forum ng National Press Club (NPC), aminado si PNP Acting Chief, PIO PCol. Randulf Tuano na problema nila ngayon ang mga splice video dahil walang batas na nagpaparusa kaugnay sa mga ganitong gawain kaya naman aniya ang cyber patrolling ay isinasagawa nila 24 oras.
Paliwanag ni Tuano, kaya kumakalat ang mga fake news ngayon ay dahil sa splice video kung saan pinuputol ang official video para makuha nila ang bahagi nito na misleading sa publiko.
Isa rin sa binabantayan ng PNP at Comelec ang vote buying sa social media kaya naman kasama sa naatasan ang directorate for intel na palakasin ang impormasyon ukol dito.
Ayon kay Tuano, sa mga kaso na natanggap ng PNP ay nasa higit 16,000 na ang kanilang naresolba na splice video at misleading video.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na hindi nakaaapekto sa Comelec ang mga kumakalat na fake news lalo sa abroad dahil nariyan pa rin ang mga main stream media na nagbibigay ng tama at totoong impormasyon at balita sa mga nangyayari sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden