Home METRO Paslit nahulog sa tulay saka nalunod sa Cebu

Paslit nahulog sa tulay saka nalunod sa Cebu

MANILA, Philippines – Patay ang 4-taong gulang na batang lalaki matapos mahulog sa tulay at malunod sa Sitio Tal-ot, Barangay Inayawan sa Cebu City nitong Linggo, Hunyo 30 bandang ala-1 ng hapon.

Ayon kay Police Corporal Jaymos Tordias of Inayawan Police Station, naglalaro ang bata malapit sa ilog nang mahulog ito.

Pinaniniwalaang nahulog ang paslit sa taas na 12 talampakan mula sa gilid ng isang tulay na bakal na nagdurugtong sa magkabilang panig ng ilog.

Ilang metro lamang mula sa bahay ng bata ang naturang tulay.

Napaulat na nag-aalaga ng kanyang dalawang kapatid ang 19-anyos na ina kaya hindi nito napansin na nakalabas na pala ng bahay ang bata.

Nakita na lamang ng mga kapitbahay ng biktima ang bangkay ng paslit na palutang-lutang sa ilog.

Agad na dinala sa Cebu City Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doctor. RNT/JGC