MANILA, Philippines – Isang apat na taong gulang na bata ang namatay makaraang walang awang binugbog ng girlfriend ng kanyang ina sa Barangay Langkaan 2, Dasmarinas City, Cavite.
Sa ulat, nagtamo ng mga pasa sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Hiro, 4-anyos.
Sa report ng Dasmarinas CPS, kinilala ang suspek na si alyas Rochelle, kasintahan ng ina ng biktima na nakatira sa nasabing lugar.
Ayon sa report, bandang alas-3 ng madaling araw nitong Biyernes, Abril 4 na madiskubre ang kawawang bata na tila hindi na humihinga at patay na ito.
Base sa ginawang imbestigasyon ng pulisya at batay na rin sa salaysay ng tiyuhin nito, madalas umanong bugbugin ng suspek ang biktima lalo na sa tuwing pinapakain ito.
Nagtamo ng mga pasa sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at pinakamatindi nito ay tadtad din ito ng mga kagat sa maselang bahagi ng bata.
Dagdag pa ng tiyuhin ng biktima, alas-10 ng gabi araw ng Huwebes ay nakita umano nito na binubugbog ng suspek ang bata sabay hataw sa ulo.
Kahit malakas na ang iyak ng biktima ay hindi pa rin ito tinitigilan ng demonyong suspek.
Napag-alaman na nasa ibang bansa naman ang ina ng biktima at hindi nag-iisip na iniwan lamang ang anak sa pangangalaga ng suspek.
Kaagad naman nadakip ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder. MARGIE BAUTISTA