MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo, Setyembre 6, na nananatiling propesyonal, walang kinikilingan at nakatuon sa pagprotekta sa bawat Pilipino ang kanilang serbisyo.
Ito ang tugon ng PNP sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi siya ligtas at wala siyang tiwala sa mga law enforcer.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., kinikilala at binibigyang-pansin ng pulisya ang pangamba ng Bise Presidente. Aniya, legal na ipinapatupad ng PNP ang mga utos ng korte, pinoprotektahan ang lahat ng mamamayan nang walang kinikilingan sa politika, at pinananatili ang propesyonalismo sa mga operasyon.
“The Philippine National Police remains steadfastly committed to the rule of law, ensuring that all our operations are conducted with utmost professionalism, impartiality, and absolute respect for individual rights without fear or favor,” ani Nartatez.
Noong Sabado, sinabi ni Duterte na natatakot siya para sa kanyang buhay at hindi niya pinagkakatiwalaan ang korte at pulisya dahil sa mga banta sa seguridad na maaaring kabilang ang kanyang pamilya.
Binigyang-diin ni Nartatez na sakop ng mandato ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang lahat.
Ayon pa sa hepe, maibabalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagkilos, integridad at pagsunod sa mga pamantayang propesyonal.
“Rebuilding trust is a continuous process of demonstrating our integrity through our actions, and we assure the public and our leaders that the PNP stands ready to protect every Filipino fairly and professionally,” sabi niya.
Inatasan din ni Nartatez ang mga kinauukulang yunit na ipagpatuloy ang monitoring at threat assessment kaugnay ng Bise Presidente at ng kanyang immediate family.
Hinimok naman niya si Duterte o ang kanyang mga kinatawan na magsumite ng anumang dokumento o ulat tungkol sa mga sinasabing banta upang maayos na ma-verify at masuri ang mga ito. RNT/MDS