Home HOME BANNER STORY Patay sa Maco landslide 54 na

Patay sa Maco landslide 54 na

MANILA, Philippines- Pumalo na sa 54 ang death toll sa landslide sa bayan ng Maco sa Davao de Oro, habang patuloy na umaasa ang rescuers at mga residente na marami pang nakaligtas sa pagpapatuloy ng search, rescue and retrieval operations.

Batay sa ulat nitong Linggo, umakyat na sa 54 ang nasawi, habang 32 ang sugatan habang 63 ang nawawala.

Ayon sa ulat, nakarekober ng karagdagang mga bangkay sa Barangay Masara.

Limitado naman ang pagpasok sa Ground Zero sa rescuers bilang pag-iingat.

“Yung bus, kinabukasan [na] noong nakita yung unit. Wala talagang tao doon maliban doon sa isang jeep na nakita. Pero yung bus, mga after 3 days nakita yung ilalim ng bus… Doon pa may nakitang tao,” pahayag ni Apex Mining Assistant Safety Manager Rodel Seran.

Nagpahatid ng tulong ang rescuers mula sa Apex Mining sa operasyon sa pag-asang buhay pa ang mga nawawala, na karamihan ay mga minero at empleyadong pasahero ng dalawang natabunang bus.

“Tumulong agad kami, narescue namin yung driver na si Oana. Marami na rin kasi ang humingi ng tulong. Marami rin naman ang rescuer ng Apex,” ani Mine Supervisor Rodrigo Bayato.

“Masakit pa rin. Wala naman [akong nararamdaman na pagod]. Tulungan lang kami. Ang kasamahan namin kahit narekober na, magpupursige kaming may iba pang marekober,” dagdag naman ni Romulo Aligado.

Nakuha ang mga labi sa Ground Zero at kasalukuyang tinutukoy ng local government ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Samantala, dalawang survivors ang inaasahang ilalabas mula sa Intensive Care Unit ng Davao Regional Center, ayon sa Tagum City.

Personal namang binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang survivors at naghatid ng government assistance.

Nagtungo rin siya sa isang punerarya kung saan siya namigay ng funeral assistance sa mga kaanak ng mga namatay. Pagkatapos nito ay nagtungo siya sa Nuevo Iloco High School upang personal na mag-abot ng cash assistance at gift packs sa evacuees.

Base sa pagsusuri ng Department of Science and Technology, ang Barangay Masara ay isang landslide prone area.

Samantala, nangako ang provincial government ng Davao de Oro na ipatutupad ang no-build zone policy sa hazard areas.

“The governor really expressed that they are going to implement the no-build zone kasi ini-impose talaga ng MGB (Mines and Geosciences Bureau). So, the governor has to share with the sentiments of and the policy of the MGB that there will be a no-build zone policy,” ani Davao de Oro Executive Assistant on Information and Communications Edward Macapili. RNT/SA

Previous articleSUPER EL NIÑO AT LA NIÑA PAGHANDAAN
Next articleRegalong gustong matanggap ng mga Pinoy sa Araw ng mga Puso, alamin!