Home OPINION SUPER EL NIÑO AT LA NIÑA PAGHANDAAN

SUPER EL NIÑO AT LA NIÑA PAGHANDAAN

ANO kaya ang masasabi ng weathermen sa Pinas sa mga sinasabi ng weathermen sa parteng United States?

Ayon sa mga dayuhan, nagkaroon ng super El Niño nitong nakaraang Nobyembre hanggang Enero at nagsimula nang lalamig mula Pebrero hanggang Mayo 2024.

Susundan na ito ng La Niña sa Hunyo hanggang Agosto at sa Setyembre hanggang Nobyembre.

Nakabatay umano ito sa kanilang mga pag-aaral sa init at lamig na nagaganap sa Dagat Pasipiko na nakaaapekto o gumagalaw patungo sa kanila.

Sa super El Niño, sobrang init kumpara sa karaniwang tag-init ang nararamdaman.

Napakaalinsangan sa paligid, namamatay sa init ang mga pananim, natutuyo ang maraming katubigan at nagkakabitak-bitak ang mga lupa.

Sa La Niña naman, sobrang lamig ang nararamdaman kumpara sa karaniwang taglamig.

Sobra rin ang pag-ulan at may malalakas na bagyo na lumilikha ng mga sobra at matagalang pagbaha na ikinasisira rin ng mga pananim at pagguho ng mga lupa.

Pareho ring labis na nakamamatay sa tao at hayop ang dalawang hindi karaniwang mga lagay ng panahon na ito.

SA PILIPINAS KAYA?

Nagagawa ng mga dayuhan na pag-aralan para sa buong taon ang kanilang lagay sa panahon at ngayon pa lang, iniaanunsyo na ang mga resulta ng mga ito.

Kasama umanong nagpapagalaw ng super El Niño at La Niña ang pagbabago o pag-iinit ng panahon.

At nagbibigay-babala na sila sa kani-kanilang mga mamamayan at bansa.

Ito’y para makapaghansa na sila sa mga pangyayaring dulot o idudulot ng mga hindi pangkaraniwang panahon.

Ano naman kaya ang meron sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration natin?

Nakatitiyak tayong magkakaroon din ang PAGASA ng mga prediksyon sa panahon at kung kailan magaganap ang mga ito.

At nababatay  mga tag-init at tag-ulan na karaniwang nagaganap sa mahal kong Pinas.

Pero ano ang sey ng PAGASA sa super El Niño at La Niña na nagdadala ng higit na tag-init at tag-ulan na higit na nagdadala ng mga pinsala sa buhay at ari-arian kumpara sa karaniwang lagay ng panahon?

BASTA MAGHANDA

Ang karaniwang tag-ani ng palay mula sa mga buwan ng Marso at Abril, ano kaya ang mangyayari?

Sakaling maraming masisirang palay dala ng matinding tagtuyot at supel El Niño, nasaan ang mga paghahanda ng mga mamamayan at pamahalaan?

Ang tiyak, magkakaroon ng kaunting pagmura ng bigas sa tag-ani ngunit paano ang mga susunod na buwan hanggang sa katapusan ng taon?

Alalahaning nakasisira ng palay ang mga bagyo at labis-labis na pagbaha sa tag-ulan at La Niña at kung ganoon, asahan mo na ang kakapusan ng suplay ng bigas.

Paano kokontrolin ang mahihiwagang pagpepresyo ng mga rice cartel?

Ang mga landslide, paano?

Tiyak na magkakaroon tayo ng higit na mga landslide kumpara sa landslide na naganap sa Maco, Davao de Oro kamakailan lang na ikinamatay ng maraming tao dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Ito’y dahil buong bansa ang inuulan at binabagyo sa tag-ulan.

Saan na ang mga paghahanda natin dito?

 

Previous articleShear line, easterlies, Amihan magpapaulan sa ilang lugar sa Pinas
Next articlePatay sa Maco landslide 54 na