MANILA, Philippines – Nahuli sa akto na nagbebenta ng ilegal ng droga ng mga tauhan ng Sub-Station 4 ng Pasay City Police Station ang isang di-umano’y tulak na nakuhanan P170,000 halaga ng shabu sa Pasay City Lunes ng madaling araw, Mayo 20.
Sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. sa Southern Police District (SPD) at ay kinilala ang suspect sa alyas na Pako, 53.
Ayon kay Mayames, naganap ang pag-aresto kay alyas Pako dakong alas 12:30 ng madaling araw sa Champaca Street, Barangay 137, Pasay City.
Nauna dito, sinabi ni Mayames na habang nagsasagawa ng routine motorcycle patrol ang mga tauhan ng Sub-Station 4 ay namataan nila ang suspect na nakaupo sa kanyang motorsiklo habang may kausap na isa pang lalaki.
Panandaliang minatyagan ng mga pulis ang kilos ng dalawang suspect hanggang sa may inabot ang suspect sa kanyang kausap.
Sa pagkakataong ito ay sinita ng mga operatiba ang mga suspects kung saan nagkumahog na tumakas ang mga ito at sa maikling habulan ay nakorner si alyas Pako habang nakatakas naman ang isa sa mga suspect.
Narekober sa posesyon ng suspect ang isang pulang envelope (ampao) na naglalaman ng plastic sachet na may 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan