Home NATIONWIDE 4K magsasaka sa Central Visayas ginawaran ng titulo ng lupa

4K magsasaka sa Central Visayas ginawaran ng titulo ng lupa

MANILA, Philippines – TINUPAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isa sa kanyang mga campaign promise at ito’y ang bigyan ng Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) at land titles ang 4,000 magsasaka sa Central Visayas.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa CLOA at land title distribution sa Dumaguete City, Negros Oriental, sinabi ni Pangulong Marcos na 3,855 CLOAs at titulo ng lupa, saklaw ang 2,867 ektarya ng lupa ang ipinamahagi sa mga magsasaka sa Region 7.

“Alam naman po namin na marami po sa inyo ay matagal nang nangangarap at nagsisikap upang magkaroon ng sariling lupa para sa inyong hanapbuhay. Eto na po at tinutupad po natin ang pangarap ninyo,” ayon sa Pangulo.

“Ito po ay simbulo ng taus-pusong pasasalamat ng sambayanang Pilipino para sa inyong walang sawang pagsisikap at katatagan sa pagsasaka sa ilalim ng init ng araw, sa gitna ng masamang panahon, at sa harap ng maraming pagsubok,” dagdag na wika nito.

Sinabi ng Pangulo na ang pamamahagi ng CLOAs at mga land title ay patunay lamang sa sinabi nga administrasyon na palalakasin nito ang karapatan ng mga magsasaka at proteksyunan ang kapakanan ng mga ito na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11953, o Agrarian Emancipation Act.

Tinuran ng Pangulo na ang New Agrarian Emancipation Act ay naglalayong palayain ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa kanilang utang.

Sa Region 7, sinabi ni Pangulong Marcos na nakapagbigay na ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng 4,614 ektarya ng lupa ngayong taon.

Namahagi na ang DAR ng kabuuang 15,163 ektarya ng lupa sa 9,549 ARBs sa buong bansa. Ang pigura ay mahigit sa 65% ng taunang target ng 23,216 ektarya ng lupa na ipinamahagi ngayong taon.

Tinuran ng Pangulo na marami pang lupang sakahan ang ipamamahagi sa Central Visayas at sa buong bansa.

“Ito ay patunay ng ating patuloy at walang humpay na pagsisikap na tuparin ang aming pangako na kukumpletuhin namin ang repormang agrarian dito sa ating minamahal na Pilpinas,” ang sinabi ng Pangulo sa libo-libong ARBs.

Maliban sa pamamahagi ng CLOAs at mga titulo ng lupa, namahagi rin ang Chief Executive ng P17.5 million na agrarian equipment sa 3,268 benepisaryo sa Central Visayas.

“Ang mekanisasyon, ang pagbibigay ng ating mga gamit, itong mga traktor, itong mga processing, dryer [at] kung anu-ano pang mga kailangan ng ating mga magsasaska.  Ito ay makabagong irigasyon at patuloy pa rin [ang] [pag]papalawak ng irigasyon.  Ang mga ito ay susi sa pagpapa-unlad ng ating mga sakahan. Mas mapabibilis po itong inyong mga gawain at mas mapapaunlad nito ang lupang inyong sinasaka,” ayon sa Pangulo. Kris Jose