Home NATIONWIDE ‘Patriotic tours’ sa Pag-asa Island, aarangkada sa Abril

‘Patriotic tours’ sa Pag-asa Island, aarangkada sa Abril

149
0

MANILA, Philippines – Maglulunsad ang munisipalidad ng Kalayaan ng “patriotic tours” sa Pag-asa Island sa Abril, na layong palakasin ang nasyonalismo habang ipinapakita ang presensya ng bansa sa West Philippine Sea.

Ayon kay Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, layunin ng programa na “buhayin” ang diwa ng pagiging Pilipino sa mga bisita sa pamamagitan ng uri ng turismo na nakatuon sa pambansang identidad at hindi lamang sa libangan.

“We have rebranded the kind of tourism we will offer… Ang aming pag-offer nito ay, ibig sabihin, kapag ikaw ay pumunta ng Pag-asa Island, bubuhayin mo ang iyong pagka-Pilipino,” aniya.

Kabilang sa mga aktibidad ang pag-awit ng “Lupang Hinirang” habang nakaharap sa pinagtatalunang karagatan, pagwagayway ng watawat ng Pilipinas, pakikisalamuha sa komunidad, pagsama sa pangingisda, at pagbisita sa mga sundalo sa isla.

Binigyang-diin ni Albayda na para lamang ito sa mga Pilipino, na unang bibigyan ng prayoridad ang mga residente ng Palawan.

“Unahin natin ang mga kapwa nating Pilipino,” aniya.

Libre ang transportasyon mula Puerto Princesa na ilalaan ng lokal na pamahalaan, habang ang tirahan ay aayusin ng mga kalahok sa pamamagitan ng mga transient house upang mapanatiling mababa ang gastos.

Kailangang magsumite ng video ang mga interesadong sumali kung saan ipapaliwanag nila ang kanilang dahilan sa paglahok, at pipiliin ang mga kalahok mula rito. Nakatakdang magsimula sa 15 slots ang programa ngunit maaari itong dagdagan depende sa demand.

“This is the best that we can offer. Kung hindi man tayo makapagoffer ng leisure tourism, kaya po nating buhayin ang ating pagka-Pilipino dito sa isla,” dagdag niya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here