MANILA, Philippines- Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ipagpapatuloy ng Department of Education ang mga mahahalagang reporma para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas habang nananatili siya sa pwesto.
“Well, tuloy ang reporma na gusto ni Pangulong Marcos at ang puno’t dulo niya na itaas ang kalidad ng ating edukasyon,” ang sinabi ni Angara sa isang panayam sa sidelines ng National Skills Summit 2025 in Edsa Shangri-la Hotel sa Mandaluyong City.
Habang naghahanda ang mga eskwelahan para sa pagbubukas ng klase bago matapos ang buwan, nahaharap ang departamento sa long-standing challenges, kabilang na ang kakapusan ng silid-aralan at ‘workload’ na pasanin ng mga guro.
Kinilala naman ni Angara ang mga nasabing usapin, sabay sabing inilatag ng departamento ang solusyon para tugunan ang mga ito, kabilang na ang pagtanggap ng 20,000 bagong guro at 10,000 administrative officers.
Sinabi niya na ang pagtanggap ng administrative officers ay makatutulong para matutukan ng mga guro ang kanilang pagtuturo.
Binigyang-diin ni Angara ang kahalagan ng pagbabago sa senior high school curriculum na itinakda para sa ‘pilot implementation’ na magsisimula sa June 16 sa mahigit 800 piniling eskwelahan.
Aniya, titiyakin ng updated curriculum na ang mga estudyante ay magtatapos na may ‘practical skills at credentials.’
“Dahil gusto nga ni Pangulo na iyong mga graduates natin ay mas maganda ang kanilang credentials, whether it’s pagdating sa national certificates or NCs ng technical vocational or tech pro strand, pwede na siya makakuha ng magandang tamang trabaho,” ang paliwanag ng Kalihim.
Iginiit ni Angara na ang orihinal na intensyon sa likod ng karagdagang dalawang taon sa senior high school ay ang bigyan ang mga estudyante ng ‘better shot’ sa trabaho kung pipiliin ng mga ito na ipagpatuloy ang college education.
Alinsunod sa global trends at ang pagtaas ng artificial intelligence, ang digital literacy at AI skills ay isinama sa bagong curriculum.
Binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng pang-unawa sa pag-engage sa AI tools.
“Crucial part of the curriculum na iyong digital literacy, iyong kakayahan para sa AI. Prompt dependent iyong AI. Ibig sabihin, kung ano iyong tinatanong mo sa AI, mas maganda ang sagot kung maganda ang tanong. E’ kung hindi marunong makaintindi, hindi makakatanong ang isang bata,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.
Sa pakikiisa sa school preparations, sinabi ni Angara na pangungunahan ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng Brigada Eskwela sa susunod na linggo.
Hinihikayat ng annual initiative ang ‘volunteerism at community participation’ sa school cleanups at maliit na pagkumpuni sa mga school facilities. Kris Jose