Home NATIONWIDE ‘Payaw’ ‘di nakasisira ng corals, kapaligaran – BFAR

‘Payaw’ ‘di nakasisira ng corals, kapaligaran – BFAR

MANILA, Philippines – Itinanggi ng gobyerno ng Pilipinas ang alegasyon ng publikasyon ng Chinese Communist Party na ang mga fish aggregating device, na lokal na kilala bilang mga payaw, ay nakakasira sa kapaligiran.

Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ito ay hindi totoo dahil ang mga payaw ay floaters lamang na puno ng mga palm fronds na nakakabit sa isang linya.

Ang mga fronds ay nakakaakit ng maliliit na isda, na nakakaakit naman ng malalaking isda na hinuhuli ng mga mangingisda.

“Stationary siya so hindi siya nakakasira ng corals kasi naka-float lang naman siya at ilalagay siya, doon saan makaka-float ang payaw,” paliwanag ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera. “So usually hindi ito sa mga coral reefs. So sustenableng pamamaraan yung paglalagay ng payaw.”

Higit pa rito, nakakatulong ang mga payaw sa pagtitipid ng gasolina dahil hindi na kailangang maglayag ang mga mangingisda sa paghahanap ng isda.

Noong Abril 4, naglagay ng 10 payaw sa Rozul Reef ang mga mangingisdang Pilipino, na tinulungan ng BFAR at Philippine Coast Guard, sa kabila ng panggigipit ng Chinese Coast Guard.

Gayundin, ibinasura ng National Security Council ang mga pahayag ng China na sinisira ng mga Pilipino ang West Philippine Sea.

“Kung ang ginagawa ng Pilipinas ay crushing the corals, or gumagawa ng artificial islands, pwede sabihin ng China na tayo ay nakakasira sa kalikasan. Pero wala tayong ginagawang ganon,” tugon sa isyu ni NSC Spokesperson Jonathan Malaya.

Sa kanyang bahagi, diretsong sinagot ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senator Francis Tolentino, na “nagsisinungaling” ang China.

“Ginawa nga nilang airstrip yung Mischief Reef, Fiery Cross. Wala silang karapatan magsabi na nakakasira tayo sa kalikasan. Sila nakakasira ng kalikasan,” ani Tolentino. RNT