Home SPORTS PBA players available rin sa Gilas sa Asian Games –  Marcial

PBA players available rin sa Gilas sa Asian Games –  Marcial

MANILA, Philippines — Nangako ang PBA na susuportahan din ng buo ang programa ng Gilas Pilipinas para sa darating na Asian Games sa China ngayong taon.

Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na ipapahiram nila ang sinumang manlalaro na maaaring ma-tap ni Coach Chot Reyes at ng pambansang koponan.

“Kung ano ang kailangan ni coach Chot, [susuportahan namin]. [Sa ngayon] hindi ko alam kung sinong players ang kakailanganin niya para sa Asian Games,” ani Marcial.

“Hindi ko alam kung ang mga nasa Gilas para sa FIBA ​​World Cup ay gagamitin, o kung kukuha siya ng mga bagong manlalaro,” dagdag pa nito.

Gaganapin ang  Asian Games sa China mula sa katapusan ng Setyembre hanggang unang linggo ng Oktubre.

Idinagdag ni Marcial na kung sakaling makapasok ang Gilas sa Olympics, tiyak na susuportahan nila ang pambansang koponan.

Magkakaroon ng kabuuang 12 koponan na sasabak sa Paris Olympics sa susunod na taon.

Bukod sa host France, pitong pambansang koponan ang direktang magkukwalipika sa Olympics mula sa FIBA ​​World Cup, na magsisimula ngayong buwan.

Kasama sa pitong puwesto ang dalawang koponan mula sa Americas, dalawa mula sa Europa, isa mula sa Africa, isa mula sa Asya at isang koponan mula sa Oceania.

Ang apat na natitirang puwesto ay nakalaan para sa FIBA ​​Olympic Qualifying Tournaments sa susunod na taon, na may dalawang round ng qualifiers para sa Olympics.JC