MANILA, Philippines – Hindi haharangin ng administrasyong Marcos ang prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa pag-interview sa limang bagong tukoy na suspek sa mga naganap na krimen sa anti-drug war ng Duterte administration.
Kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra na malaya ang ICC prosecutor na direktang kausapin ang limang personalidad na may kinalaman umano sa madugong drug war sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nilinaw ni Guevarra na hindi tutulong ang gobyerno sa isinasagawang imbestigasyon ng international prosecutor.
Matagal na aniyang naninindigan ang Philippine government na walang ligal na obligasyon ang bansa para makipagtulungan sa ICC.
Kabilang sa limang suspek umano ay sina dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald Dela Rosa, dating PNP Chief Oscar Albayalde, dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group Chief Romero Caramat Jr., dating Commissioner of the National Police Commission, Edilberto Leonardo, at dating PNP Chief Intelligence Officer Eleazar Mata.
Magugunita na sa panahon ni Dela Rosa ay pinangasiwaan nito ang “Oplan Tokhang”.
Si dating Senador Antonio Trillanes IV ang unang nagbunyag ng pangalan ng lima.
Batay umano sa dokumento ng ICC ang mga nabanggit na dating opisyal ng Philippine National Police ang nag-uutos na patayin ang mga drug suspects at mga user mula 2011 hanggang 2019.
Sinabi ni Guevarra na lumapit sa kanyang tanggapan ang ICC prosecutor at hiniling na makausap ang lima.
Ayon kay Guevarra, mas pinaniniwalaan ng ICC prosecutor ang panig ng mga complainant at hindi ang mga inaakusa.
Ipinaalala ni Guevarra na tungkulin ng prosecutor sa ilalim ng Article 54 ng Rome Statute na imbestigahan ang lahat ng mga impormasyon, ito man ay nakapagdidiin (incriminating) o nagpapawalang bisa (exonerating). Teresa Tavares