Home OPINION PBBM AYAW NANG IMPEACHMENT KAY VP SARA

PBBM AYAW NANG IMPEACHMENT KAY VP SARA

200
0

HATI ang opinyon ng publiko sa inihaing impeachment complaint sa Kamara ng iba’t-ibang grupo laban kay Vice President Sara Duterte na may kasamang pag-endorso ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.

Lantaran ang hindi pag-pabor ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maghain ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente dahil hindi aniya makatutulong sa buhay ng mga Pilipino at sa halip ay mauubos pa ang mahabang oras ng mga mambabatas na dapat ay nag-aasikaso sa mga nakabinbing panukalang batas na kanyang lalagdaan.

Pero malinaw naman ng Malacanang na hindi pinipigilan ng Pangulo ang anomang layunin ng alinmang grupong nagnanais maghain ng impeachment complaint at ang kanyang pahayag sa pagtutol ay pakiusap lamang at hindi kautusan.

Kung tutuusin, marami na talaga ang gigil na masibak sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment si VP Sara dahil sa patuloy niyang pag-iwas sa mga tanong kung paano niya ginastos ang milyon-milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Sabi naman ng mga tutol, dito, kapos na sa panahon at posibleng masayang lang ang paghahain ng impeachment complaint dahil magbabakasyon na ang mga kongresista at sa isang taon na muli silang babalik sa sesyon.

Pero maikli lang ang kanilang pagbabalik muli sa sesyon dahil panahon na ng kampanya para sa midterm elections sa buwan ng Mayo kaya tiyak na mawawalang saysay ang impeachment complaint.

Batay kasi sa umiiral na batas, isang beses lang kada taon papayagan ang paghahain ng impeachment complaint laban sa isang impeachable official kaya kung hindi uusad ang inihain laban kay VP Sara, kailangan munang magpalipas ng isang taon para siya mahainan muli nito.

Katuwiran naman ng mga pabor dito, kung gusto, maraming paraan pero kung ayaw, maraming dahilan, kaya paramihan na lang siguro ng bilang ng mga nagnanais umusad ang impeachment kahit pa ito tila dadaan ito sa butas ng karayom.

Pagpalagay ng makakita ng sapat na form and substance at i-endorso ito ng Kamara, lulusot kaya ito sa Senado na magsisilbing hukom?

Sa ngayon, tanging si Sen. Jinggoy Estrada pa lamang ang lantarang tumututol sa impeachment complaint habang ang mga abogadong Senador ay ayaw mag-komento dahil nga naman sila ang tatayong hukom kung sakali at umakyat sa kanila ang complaint.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here