MANILA, Philippines – AYAW ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ng half-baked anti-political dynasty measure.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ng Pangulo na pag-aralang mabuti ang nasabing panukalang batas.
”Even during the LEDAC meeting, sinabi po ng Pangulo na ito ay araling mabuti… at kailangang maipasa sa pinakamabilis na panahon,” ang sinabi ni Castro.
”Pag sinabi nating aralin, ibig sabihin hindi minadali, half-baked, hindi ganoon ang nais ng Pangulo… dapat maayos at mapapakinabangan at magagamit at magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan,”aniya pa rin.
Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos sa Kongreso na iprayoridad ang pagpapasa ng Anti-Dynasty Bill.
May ilang panukalang-batas na nakahain sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naghahangad na magkabisa ang probisyon ng1987 Constitution na nagbibigay mandato na ipagbawal ang political dynasties.
Ani Castro, nagbago na ang political landscape sa bansa, dahilan para suportahan ng Pangulo ang panukalang anti-dynasty measure.
Aniya, sa nangyayari ngayon sa gobyerno, ”public demands a fairer system.”
Samantala, may ilang mambabatas ang humikayat kay Pangulong Marcos na i-certify bilang urgent ang nasabing panukalang batas sa lalong madaling panahon. Kris Jose