Home NATIONWIDE PBBM bibisita sa Central Europe

PBBM bibisita sa Central Europe

MANILA, Philippines- Nakatakdang lumipad ngayong araw, Marso 11, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong Central Europe para sa Working Visit sa Germany mula Marso 12 hanggang 13, at State Visit sa Czech Republic mula Marso 14 hanggang 15.

Kabilang sa mga makakasama ng Pangulo sa biyahe niyang ito sina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Trade Secretary Alfredo Pascual, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Migrant Workers officer-in-charge Hans Cacdac, House Speaker Martin Romualdez, Senate President Juan Miguel Zubiri, at Communications Secretary Cheloy Garafil.

Sinabi ng Malakanyang na ang biyahe ng Pangulo patungong Germany ay tugon sa naging imbitasyon ni German Chancellor Olaf Scholz habang ang kanyang pagbisita naman sa Czech Republic ay dahil sa imbitasyon ni Czech President Petr Pavel.

Maliban sa nakatakdang pakikipagpulong sa mga high-ranking officials, dadalo ang Chief Executive sa business forums sa dalawang bansa para imbitahan ang mga tanyag na German at Czech business leaders para palakasin ang kanilang presensya sa Pilipinas.

Sasaksihan naman ni Pangulong Marcos sa Germany ang paglagda sa Joint Declaration of Intent (JDI) na naglalayong palakasin ang pagtutulungan para mapabilis ang maritime trade at galaw ng Philippine- and German-owned commercial vessels.

Magkakaroon din ng pagpirma sa cooperation program na naglalayong ipagpatuloy ng Manila at Berlin ang ‘partnership’ sa technical and vocational education and training (TVET).

Sa magiging biyahe naman ng Pangulo sa Czech Republic, winika ni Pangulong Marcos na sasaksihan niya ang pagtinta sa joint communique pagdating sa pagtatatag sa labor consultations mechanism na naglalayong paigtingin ang pagtutulungan ng dalawang bansa, isulong ang kaligtasan at maayos na migrasyon ng mga manggagawa ng Filipino at magbigay ng mas mataas na proteksyon para sa kanilang karapatan at kapakanan.

Nagpahayag naman ng interes ang Czech Republic sa paghikayat sa mas dalubhasa at propesyonal na Filipino workers na magpartisipa sa labor market.

Naitaas nito ang yearly quota para sa mga manggagawang Filipino mula 5,000 hanggang10,000 simula sa darating na Mayo ng taong kasalukuyan.

Sasamantalahin din ni Pangulong Marcos ang kanyang biyahe sa Germany at Czech Republic para paigtingin ang defense capability ng Pilipinas at makahingi ng suporta mula sa ibang bansa sa paglaban sa karapatan ng bansa (Pilipinas) sa West Philippine Sea.

Ihahayag ng Pangulo ang kanyang hangarin na palawakin ang defense cooperation sa Germany, na nagsimula noong 1974. Nakatuon ang partnership sa pagsasanay ng armed forces ng Pilipinas.

Sa Czech Republic, ie-explore ni Pangulong Marcos at tatalakayin kung ang paano ang dalawang bansa ay maaaring palawigin ang pagtutulungan kabilang na ang tanggulan.

Samantala, hindi kasama ang biyaheng ito ng Pangulo sa Central Europe, si Pangulong Marcos ay mayroon nang 23 pagbisita sa 15 bansa simula nang maupo bilang halal na Pangulo ng bansa noong 2022. Kris Jose