MANILA, Philippines – BUKAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad na magkaroon ng panibagong electric provider sa Siquijor.
Ito’y sa gitna ng power crisis sa lalawigan.
Sa isang ambush interview, tinanong si Pangulong Marcos kung posibleng magkaroon ng panibagong electric provider sa Siquijor. Ito’y matapos niyang ipag-utos ang masusing imbestigasyon hinggil sa operasyon ng Siquijor Island Power Cooperative (SIPCOR).
”Everything is on the table. We just have to examine what is the best solution. We have some very good ideas na. The NEA administrator is here and he has put out a framework on what we need to attend to, what would come first, etc. We will give you more detail after the detailed planning for that,” ayon sa Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na may anim na buwan ang gobyerno para ipatupad ang short-term interventions para tugunan ang power crisis, kabilang ang paggamit ng generators.
Sa loob ng anim na buwan, binigyang diin ng Chief Executive ang pangangailangan na ”to repair damage that has been caused by the collapse of the power supply.”
”We have given ourselves a deadline of six months for the short-term solution. By six months from now, we will then impose whatever new arrangements that we have to do, so that six months from now, we do not have to resort to emergency genset,” ang sinabi ng Punong Ehekutibo.
Dapat din aniyang tuparin ng SIPCOR ang kanilang pangako na magbibigay ng electric supply sa lalawigan.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ang dalawang generator sets ay darating sa lalawigan mula Palawan para magbigay ng power supply sa mga residente.
Ang provincial government ng Siquijor sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan nito ay nagdeklara ng state of calamity dahil sa lumalalang power crisis.
Ang inaprubahang resolusyon ay magbibigay ng kapangyarihan sa provincial government ng Siquijor para magkaroon ng access ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) nito, lalo na ang Quick Response Fund (QRF), upang kagyat na maipatupad ang interventions.
Samantala, in-inspeksyon naman ni Pangulong Marcos ang SIPCOR power plant sa Siquijor para tugunan ang paulit-ulit na power interruptions sa lalawigan at paigtngin ang pagkilos para matugunan ang kakulangan sa power supply. Kris Jose