MANILA, Philippines – Sa huling araw ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Comelec ngayong araw, inihayag ng komisyon na umabot pa laamng sa 25 mula sa 66 na tumakbo sa pagkasenador ang nakapagpasa nito.
Sa ibinahaging datos ni Comelec Chairman George Erwim Garcia, nasa 64 partylist group mula sa 155 ang naghain ng kanilang SOCE.
Marami pa rin ang hindi nakapagpasa ng kanilang SOCE na tumakbo sa national position sa 2025 midterm elections.
Nasa 10,454 mula sa 41,215 na tumakbo sa local position ang nagpasa na ng SOCE kung saan inaasahan na mas marami ang magpapasa nito ngayong araw sa mga tanggapan ng komisyon lalo na’t hindi na ito papalawigin pa.
Muli ring nagbabala ang Comelec na maaaring magbayad ng multa mula P1,000 hanggang P60,000 ang hindi makakapaghain ng SOCE at maaari pang mapatawan ng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden