MANILA, Philippines – HINDI balat-sibuyas si Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. sa gitna ng kaliwa’t kanang bira sa kanya kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa press briefing sa Malakanyang, nilinaw ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang pagkakaiba ng free speech at inciting to rebellion o sedition lalo pa’t may mga isinasagawang pagtitipon na nagpapakita ng suporta kay Duterte.
”As we can say, the president is not onion skinned, okay. Usually po, hindi po siya nadadala ng ganyan pero kapag po nandoon na po iyong elemento ng inciting to sedition which is of course without any tumultuous uprising but they are encouraging people to sow hatred to the government, to the President then we have to step up,” ang sinabi ni Castro.
Tiniyak nito na kagyat na maghahain ng kaso o reklamo ang gobyerno kung kinakailangan.
“But as of the moment, there is no indication on the part of the President that he will do that,” giit ni Castro.
Aniya pa, ang normal lamang ang protest actions na ginagawa bilang pagpapakita ng suporta kay Duterte kaya nga walang balak ang gobyerno na pigilan ang mga ito sa kanilang mga aktibidad gayunman, kailangan lamang na ang mga protest actions ay hindi naka-aalarma.
”Hindi po natin mawawala sa kanilang damdamin, iyan po ay normal dahil mayroon pong naging pangyayari sa kanilang malamang iniidolo at panatiko po sila ng isang leader,”ayon kay Castro.
”Hindi po natin pipigilan ang pagsasabi ng kanilang mga damdamin huwag lang po sigurong lalagpas na magkakaroon po ng alarma at masasabi po natin na iyan po ay sedition or inciting to sedition na po,” aniya pa rin.
Sa ulat, hindi mahulugan ng karayom ang mga pumunta sa isinagawang rally nitong Linggo, Marso 16, sa Davao City upang ipakita ang suporta kay dating Pangulong Duterte, habang ito’y nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Mahigit 30,000 na mga taga-suporta ng dating pangulo ang nagtipon para sa isang solidarity walk bilang pag-tutol sa kanyang kamakailang pag-aresto kaugnay sa umano’y mga kasong crimes against humanity sa kanyang madugong ‘war on drugs’.
Nagsimula mag-martsa ang mga taga-suporta ni Duterte sa CM Recto street at nagtapos sa San Pedro Square na sinundan naman ng prayer rally.
Habang suot ng mga ito ang itim na t-shirt bilang pagpapakita na sila ay nagdadalamhati. Bitbit din ng mga lumahok sa rally ang mga banner na may mensaheng ‘I STAND WITH FPRRD’ at ‘BRING FPRRD BACK HOME’.
Maalalang noong Sabado pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang mga pagsusumikap upang ipagtanggol ang kanyang ama na nagdulot naman ng mga diskusyon hinggil sa sa mga pananagutan ng dating Pangulo.
Nitong linggo sinabi ng pambansang kapulisan na nakabantay ang kanilang hanay hinggil sa mga aktibidad na ginagawa ng mga taga-suporta ni FPRRD at sinabing naging maayos ang rally at ‘walang naitalang major untoward incidents.
Kahapon matatandaan na nagsimula ang rally sa isang motorcade sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila, at sinundan ito ng vigil at interfaith prayer.
Samantala, unang nasilayan si dating PDU30 sa ICC noong Biyernes via video link mula sa isang detention center kung saan sa ginanap na hearing, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang kanyang pagkakakilanlan at tiniyak na lubos na naunawaan ang mga kasong iniuugnay laban sa kanya at ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Rome Statute ng ICC.
Habang itinakda naman ng chamber ang susunod na hearing para sa confirmation ng mga kaso ni Duterte sa Setyembre 23, 2025. Kris Jose