Home NATIONWIDE Policy review sa overloaded truck ng DPWH, DOTr, ikinasa sa Senado

Policy review sa overloaded truck ng DPWH, DOTr, ikinasa sa Senado

MANILA, Philippines – Ipinananawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na magsagawa ng policy review sa ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOT) hinggil sa overload na truck.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na kailangan magkaroon ng kumprehensibong pagsusuri sa umiiral na batas at patakaran na namamahala sa overload truck at trailers sa national road at tulay.

Aniya, magkakaroon ng hiwalay na policy review ang Senado habang iniimbestigahan ng DPWH ang insidente upang masuri kung epektibo ang umiiral at kasalukuyang regulasyon at tukuyin ang pagkukulang sa implementasyon.

“We must find out how the truck that reportedly weighed 102 tons was able to get on the bridge that has a 45-ton maximum capacity. I am certain that this is not an isolated incident, and a lot of overloaded trucks are able to go about their business without being flagged,” ani Escudero.

Bumagsak ang isang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge nitong February 27, na ikinasugat ng anim na katao, Iniulat ng DPWH na kailangan lang na 44-toneladang kapasidad ang kayang buhatin ng tulay pero dumaan dito ang 100 toneladang kargamento.

Ipinapalagay ng Palasyo na problema sa designyo ang sanhi ng pagbagsak ng tulay na mahigpit na pinabulaanan ng engineer nito dahil sinunod sa pagdedesenyo ang nakatakda sa Bridge Code of the Philippines.

“Pinagbabawal dapat ng gobyerno, ng LTO (Land Transportation Office) na lagyan ng anumang reinforcement ang bed ng mga truck para maiwasan automatically ‘yung overloading ng mga truck at kung mangyayari man ‘yun, dapat managot ‘yung mga may-ari ng truck,” ayon kay Escudero.

Sinabi pa ni Escudero na dapat pagbasehan ang kapasidad ng lansangan at tulay sa kapal ng kongreto na ginamit sa pagtatayo upang matiyak na tinutupad ng trak ang limitasyon sa bigat.

Inihayag din ni Escudero na susuriin ng Senado ang ginastos na pondo sa nasirang imprastraktura sa deliberasyon ng 2026 national budget.

“Once we start deliberations on the proposed 2026 spending plan of the DPWH and the DOTr (Department of Transportation) later this year, we will require an accounting of the expenses incurred as a result of infrastructure damaged due to overloading and the effectiveness of the policies and programs to prevent overloading,” ani Escudero.

“We must put an end to these avoidable expenses,” giit pa niya. Ernie Reyes