Home NATIONWIDE Malakanyang kay Baste: Utang na loob ‘wag gamitin sa ‘di pagsunod sa...

Malakanyang kay Baste: Utang na loob ‘wag gamitin sa ‘di pagsunod sa batas

MANILA, Philippines – NIRESBAKAN ng Malakanyang si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos sabihin nitong ‘walang utang na loob’ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang ipalibing ng kanyang ama si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.

Sinabi pa ng batang Duterte na ipinalibing ng kaniyang ama si Ferdinand Marcos Sr., pero bilang kapalit, ipinakulong naman ngayon ni Marcos Jr. ang dating Pangulo.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na ”Hindi po dapat mahinto ng utang na loob ang pagpapatupad ng batas. Hindi po dapat traydurin ang pagpapatupad ng commitment with the Interpol.

Sinabi pa ni Castro na nakapagpasalamat na ang mga Marcos kay dating Pangulong Duterte sa nasabing usapin.

Sa ulat, binigyang diin ni Davao City Mayor Baste Duterte na hinding-hindi kailanman mamahalin ng supporters ng pamilya Duterte si Pangulong Bongbong Bongbong Marcos Jr.

Tugon niya ito ngayong nasa Netherlands na ang kaniyang ama, si dating Pangulong Duterte, para harapin ang reklamo na inihain laban sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi rin ng batang Duterte na lalaban sila sa anumang panggigipit na ginawa sa kanilang pamilya, kasama na ang mga Pilipinong nakararanas din ng hindi maayos na pagtrato sa Marcos Jr. administration. Kris Jose