Home NATIONWIDE Detachment ng militar, pinasabugan; 4 na sundalo sugatan

Detachment ng militar, pinasabugan; 4 na sundalo sugatan

MAGUINDANAO DEL SUR- SUGATAN ang apat na miyembro ng Philippine Army 6th Infantry Division matapos hagisan ng granada ang kanilang detachment ng mga hindi pa kilalang salarin kagabi, Marso 16 sa Barangay Madia, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Del Sur.

Nagpapagaling ngayon sa ospital ang mga sugatang sundalo na sina Cpl. Awing, SSg. Cordero, PFC Gundayao at PFC Felix .

Ayon kay 6th ID spokesperson Lt. Col. Roden Orbon, bandang 7:30 PM naganap ang pagsabog sa kanilang detachment makaraan hagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng kilay dilaw na XRM motorcycle na walang plaka.

Aniya, isang kaduwagan ang ginawang pag-atake ng mga salarin na mabilis tumakas matapos ang pagpapasabog malapit sa crossing ng Shariff Aguak, Pagatin (Datu Saudi Ampatuan), Mamasapano, at Shariff Saydona.

“Yung mga salarin ay maaaring tumakas papunta sa Liguasan Marsh, Datu Piang, or sa DSA/Salvo, at pwede rin sa Mamasapano. Marami pwede exit,” dagdag pa ni Orbon.

Sinabi pa ni Orbon na nakipag-ugnayan din sila sa local police sa naturang lugar at mayroon na din silang leads habang patuloy ang ginagawang pursuit operations.

Ayon pa sa opisyal ng militar, ang pag-atake ng mga natirirang teroristang grupo ay “retaliation out of frustration.”

“Kamakailan lang ay sunod-sunod po kasi ang pagbalik-loob ng mga miyembro nila, dala pa ang kani-kanilang mga firearms,” ani Orbon.

“Hinihikayat namin ang publiko na manatiling kalmado at maging mapagmatyag. Ipaalam po sa amin o sa mga otoridad kung may impormasyon kayo na makakatulong sa imbestigasyon at sa ikatutunton ng mga salarin,” dagdag pa nito. Mary Anne Sapico