MANILA, Philippines- Hindi nababahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kawalan ng kamalayan ng nag-viral na ”It’s Showtime” contestant hinggil sa Commission on Elections (Comelec).
Inamin kasi ng nag-viral na “Sexy Babe” contestant ng “It’s Showtime” na si Heart Aquino na hindi niya alam kung ano ang gawain at para saan ang Comelec.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang kawalan ng kamalayan ng isang tao sa isang usapin ay hindi naman sumasalamin sa kung may pagkukulang ang administrasyon para iangat ang kalidad ng sektor ng edukasyon.
”Sa ating pagkakatingin dito, siguro ang pagkukulang ng isang tao ay hindi naman ito agad-agad magri-reflect ng kakulangan ng ginagawa ng pamahalaan para maiangat ang lebel ng ating edukasyon,” ang sinabi ni Castro.
”Kung may pagkakamali or pagkukulang ang isa ay maaari naman niyang i-level up iyong kaniyang sarili lalung-lalo na marami na po tayong mapag-aaralan through internet, using Google search, and lahat ng maaari nating i-search using the computer system,” dagdag niya.
”Hindi po nababahala ang ating Pangulo dahil sa atin po, sa panahon po ngayon, lahat po ng paraan ay ginagawa po natin para maiangat po ang lebel ng ating edukasyon,” ang paliwanag ni Castro.
Nauna rito, matapos ma-bash at mag-viral ang “Sexy Babe” contestant ng “It’s Showtime” na si Heart Aquino, agad naman itong inaksyunan ng dalaga.
Kaliwa’t kanang banat at pang-ookray ang naranasan ni Heart nang aminin niya sa madlang pipol na hindi niya alam kung ano ang gawain at para saan ang Commission on Elections.
Kasunod nito, nag-effort nga si Heart na bumisita sa tanggapan ng Comelec sa Maynila matapos makatanggap ng imbistasyo mula sa Chairperson ng ahensiya na si George Erwin Garcia. Kris Jose