Home NATIONWIDE PBBM, ‘di titigil, ‘di hihinto na panagutin mga sangkot sa maanomalyang flood...

PBBM, ‘di titigil, ‘di hihinto na panagutin mga sangkot sa maanomalyang flood control project

263
0

MANILA, Philippines – “Hindi kami titigil. Hindi kami hihinto.”

Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang video message bilang bahagi ng kanyang pag-uulat sa bayan tungkol sa mga bagong kaganapan sa mga kaso kaugnay ng anomalya sa mga flood control project.

Layon nito ayon sa Pangulo ay upang malaman ng mga mamamayang filipino ang progreso ng imbestigasyon.

“Ipinapaalam ko po na ilan sa mga indibidwal na may warrant of arrest mula sa Sandiganbayan ay nasa kustodiya na ng ating mga awtoridad. Isa ang naaresto ng NBI, habang anim ang boluntaryong sumuko sa CIDG. Dalawa pa ang nagpahayag ng intensyong sumuko at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa PNP–CIDG para sa kanilang pagsuko,” ayon sa Pangulo.

Ang isang inaresto aniya ng NBI ay mula sa hindi naman nito tirahan.

“Paalala po: mananagot ang sinumang nagtatago o tumutulong magtago sa kanila,” ang babala ng Pangulo.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang pinakamalaking tulong na maibibigay sa natitira pang mga akusado ay ang boluntaryo nilang pagsuko upang maharap ng mga ito ang mga alegasyong ibinabato sa kanila.

“Wala pong espesyal na pagtrato. Mananatili sila sa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang utos ng korte,” diing pahayag ng Chief Executive.

Sa kabuuan aniyang 16 na indibiduwal, pito na ang nasa kamay ng mga awtoridad. Dalawa ang susuko pa lamang. Pitong akusado, kabilang si Zaldy Co, ang nananatiling at large.

Sa lahat aniya ng natitirang akusado, ang kanyang payo ay “sumuko na kayo. Huwag na ninyong hintaying habulin pa kayo. Mas magiging maayos ang inyong sitwasyon kung haharapin ninyo ang kaso.”

At sa mga nagtatangkang tumulong sa kanilang pagtatago, ang babala rin ng Pangulo ay “tandaan ninyo: mananagot din kayo sa batas dahil sa pagtatago ng isang fugitive from justice.”

Tiniyak ng Pangulo na tuloy-tuloy ang prosesong ito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here