Home NATIONWIDE PBBM dumalo sa Palarong Pambansa opening, VP Sara absent

PBBM dumalo sa Palarong Pambansa opening, VP Sara absent

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Palarong Pambansa sa Cebu City Sports Center (CCSC), araw ng Martes, Hulyo 9.

Iyon nga lamang, kapansin-pansing naman ang hindi pagsipot at kawalan ng presensya nina Vice President Sara Duterte at suspendidong Cebu City Mayor Michael Rama.

Bukod kay Pangulong Marcos, nakiisa rin sina Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, at acting city officials Raymond Alvin Garcia (Mayor) at Dondon Hontiveros (Vice-Mayor) sa nasabing event.

Nauna namang binisita ni Senator Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Marcos, ang CCSC bago pa dumating ang Chief Executive.

Ang event ng pagbubukas ng Palaro ay tumagal ng tatlong oras kasama na ang ceremonial lighting ng urn bilang tanda ng pagsisimula ng week-long competition.

Sa naging talumpati ng Pangulo, pinuri nito ang mga organizer para sa pagpapasimula ng bagong segments sa Palaro gaya ng dancesports category kung saan ay inilarawan niya bilang isang “fitting tribute” sa host na Cebu City.

Ang Queen City ng South ay nagkamit ng reputasyon para sa matagumpay na dancesports scene, kapwa ‘nationally at internationally.’

Pinaalalahanan naman ng Pangulo ang mga atleta at mga coach mula sa 17 rehiyon na palaging panindigan ang pagkakaisa at ‘camaraderie’ sa kabuuan ng week-long contest.

Sa kabilang dako, napaulat na dadalo si VP Sara sa Palaro opening ceremony. Imbitado rin si Rama ng city government para makiisa sa nabanggit na event.

Gayunman, ibinahagi ni VP Sara ang mga larawan ng kanyang pagbisita at pag-alay ng panalangin sa Basilica Minore Del Sto. Niño de Cebu, ilang oras bago pa dumating si Pangulong Marcos.

Matatagpuan ang centuries-old Basilica ilang bloke lamang ang layo mula sa CCSC.

Bilang dating Kalihim ng Department of Education (DepEd), aktibong nagpapartisipa si VP Sara sa paghahanda sa Palaro para sa national level.

Gaya ni VP Sara, binigyan ng malaking kredito si suspended mayor Rama para sa pagdadala ng Palaro pabalik sa Cebu City matapos ang 30 taon. Kris Jose