Home NATIONWIDE PBBM, First Lady nagbigay ng huling paggalang kay Pope Francis

PBBM, First Lady nagbigay ng huling paggalang kay Pope Francis

VATICAN CITY — Nakiisa sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa mga world leaders at mananampalatayang Katoliko sa pagbibigay ng huling paggalang kay Pope Francis sa St. Peter’s Square, Vatican City noong Sabado, Abril 26.

Nagsimula ang seremonya ng alas-4 ng hapon (oras sa Pilipinas), na dinaluhan ng humigit-kumulang 170 world leaders at 200,000 katao, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Sa isang panayam, inalala ni Unang Ginang Liza ang kanyang masasayang alaala sa pagkakakilala kay Pope Francis, na inilarawan niya bilang isang “humble and kind” na tao.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ang kanyang pagdalo ay isang “gesture of deep respect” para sa isang Papa “na tumimo sa puso ng milyun-milyon.”

“I represented not just the Philippine government, but the everyday Filipino — prayerful, hopeful and grateful — who would have wanted to be there to say thank you to a shepherd who made them feel seen,” ani ng Pangulo sa isang pahayag.

Dinagdag pa niya:

“This is a moment of shared faith, national pride, and quiet tribute from the Filipino people to a Pope who walked with the humble and gave voice to the unseen.”

Tinawag din ni Pangulong Marcos si Pope Francis bilang “the best pope in my lifetime,” kilala sa Pilipinas bilang Lolo Kiko, at pinuri ito bilang isang lider na may kababaang-loob at pusong bukas lalo na para sa mga mahihirap at nangangailangan.

Ayon sa Pangulo, kasabay ng pagluluksa ay ang pagbibigay-pugay sa isang Santo Papa na nagsilbing inspirasyon para mahalin ang kapwa, ayon sa pagmamahal ni Hesus sa sangkatauhan.

Samantala, inanunsyo ng PCO na nagdeklara si Pangulong Marcos ng isang “period of National Mourning” bilang pagkilala sa yumaong lider ng Simbahang Katolika. Mananatili ang pambansang pagluluksa hanggang sa araw ng kanyang libing noong Sabado, Abril 26. (Kris Jose)