Home NATIONWIDE Amyendang batas sa BCDA Charter bineto ni PBBM

Amyendang batas sa BCDA Charter bineto ni PBBM

MANILA, Philippines – Bineto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang charter ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), dahil sa mga alalahaning maaaring lumabag ito sa umiiral na batas at makasama sa fiscal position ng pamahalaan.

Bagama’t kinilala ng Pangulo ang mabuting layunin ng Kongreso, sinabi niya sa kanyang veto message na may petsang April 24 na hindi niya maaaring balewalain ang mga pangamba ng pambansang ahensya.

Ayon kay Marcos, ang panukalang pagtaas sa P100 bilyong authorized capital ng BCDA ay maaaring makaapekto sa fiscal integrity ng gobyerno.

Tinukoy rin niya na ang mungkahing paggamit ng kita mula sa pagbebenta ng lupa sa ecozones, na mapupunta lamang sa BCDA, ay sumasalungat sa one-fund policy ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng fiscal flexibility sa paggastos para sa mga mas mahahalagang pangangailangan.

Dagdag pa ng Pangulo, ang pagbibigay kapangyarihan sa BCDA na tukuyin kung aling mga lupa ang alienable at disposable ay dapat manatili sa mandato ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Binanggit din ni Marcos na ang pagbibigay ng land ownership at authority sa BCDA sa ilalim ng panukala ay sumasalungat sa desisyon ng Korte Suprema sa Republic v. Heirs of Bernabe, na nagsasabing ang estado ang tunay na may-ari ng mga lupang inililipat sa BCDA sa ilalim ng Republic Act No. 7227.