Home OPINION PBBM GIGIL NA SA PAMBU-BULLY NG CHINA

PBBM GIGIL NA SA PAMBU-BULLY NG CHINA

HALATANG gigil na gigil at ngitngit na ngitngit na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pinakahuling insidente nang pambu-bully ng China na ikinasugat pa ng mga opisyal at tauhan ng Philippine Coast Guard bukod pa sa pagkasira ng cargo ship ng huli.

Pero sa kabila ng panggigigil, halatang pinapakalma pa rin ng Pangulong Marcos ang taumbayan kahit pa nga sinabi niyang labis na nakaaalarma na ang ginagawang mga mapanganib na kilos ng Chinese Coast Guard at kanilang mga maritime militia sa karagatang sakop naman talaga ng Pilipinas.

Sabi ni Pangulong Bongbong, ang matitinding kilos at probokasyong ginagawa ng China sa ating seamen at mga mangingisda ay hindi natin titingnan sa anomang iba pang paraan kundi sa pinakaseryosong pamamaraan.

Hindi rin kumbinsido si PBBM na igiit na ang ating karapatan sa umiiral na Mutual Defense Treaty kundi ang paghahain pa rin ng protesta at patuloy na paghahanap ng komunikasyon para matigil na ang ginagawang panggigipit ng Tsina sa ating mga kababayan sa West Philippine Sea.

Sa kabila nang paghahanap sa mapayapang solusyon ng Pangulo sa ginagawang pangha-harass, pambu-bully at mapanganib na kilos ng Beijing sa ating  mga mandaragat, may mga Pinoy na mukhang nagpapagamit pa sa China para baluktutin ang katotohanan.

Ang hirap sa ilan sa ating mga influencer sa social media, sa halip igiit ang ating karapatan sa sarili nating teritoryo, aba’y mistulang kinakampihan pa ang China sa ginawang mapanganib na aksyon.

Ang hirap kasi sa PCG, ayaw pa nilang banggitin ang pangalan nang sinasabing mga influencer sa social media na bumabaluktot umano sa katotohanan para maipaalam sa kanilang mga follower na dapat na nilang i-unfollow para ipa-mukha sa kanila ang hindi wastong gawain ng mga ito na mistulang paglapastangan sa soberanya ng bansa.

Sa aking palagay, maging si PBBM ay aminadong mahirap maresolba ang usapin sa WPS dahil sa ginagawang pag-angkin ng China sa mga isla na nasa ilalim ng exclusive economic zone o EEC ng Pilipinas. Tanging ang United Nations Convention on the Law of the Sea ang may kapangyarihan upang magdeklara kung aling bansa talaga ang may karapatan sa isang isla na inaangkin ng iba.

Ang kaso, ayaw kilalanin ng China ang desisyon ng UNCLOS na tayo ang may-ari ng mga iinaangkin din nilang isla sa WPS kaya sino ang magdidikta sa bansang China para tigilan na ang pag-angkin sa hindi nila pag-aari?

Kung giyera naman ang nakikitang solusyon ng iba, naku po, eh sino sa palagay ninyo ang mananalo kahit pa nga sabihing marami tayong kakamping mga malalaking bansa? Tandaan natin, walang nananalo sa giyera kundi ang mga bansang nagbebenta at nagsusuplay ng mga armas.

Previous articlePAGPUPURI SA KABABAIHAN
Next articleNAGTATAGO