Home OPINION NAGTATAGO

NAGTATAGO

HINDI ako makapaniwala nang  lumabas sa balita ang mga kundisyon ni Pastor Apollo C Quiboloy o PACQ para siya  dumalo sa pagdinig ng Senado ukol sa akusasyong ibinato sa kanya kaugnay sa child abuse at human trafficking.   Labimpitong ‘demand’ ang nakalista, kabilang na rito ang parking area ng kanyang private plane, kasama n’ya ang limampung bodyguards at security, ang “no time-limit” na pagtatanong n’ya o ng kanyang abogado, na sagot ng gobyerno ang lahat ng gastusin nila habang sila ay nasa Maynila.

Mahaba talaga ang listahan. Ika nga ng isang obserbasyon sa social media – “daig pa n’ya si Moises, na sampu lang ang utos, sa kanya ay labimpito!” At tila nga meron pang pangungutya nang kamakailan lang ay naglabas ng parang bugtong si Pastor Quiboloy kung nasaan nga siya talaga nagtatago.

Nasa katwiran ba si PACQ at ang kanyang mga partido na ipilit ang mga kundisyong ito sa harap ng napipintong   arrest warrant sa kanya ng Senado? Hindi man ako abogado, palagay ko lang ay medyo overacting ang ganitong taktika, at mukhang gusto lang talagang ma-delay o patagalin ni PACQ ang kanyang pagharap sa Senado.

Sa totoo lang, pwede nating ibalik ang prinsipyo na paulit-ulit na ginagamit noong panahon ni Duterte.   Kung walang kasalanan, bakit ka takot? Kung wala kang itinatago, bakit ayaw mong humarap?

Mukhang tama yung opinyon ng isa kong kaibigan na mahilig suriin ang panlipunan lagay ng Pilipinas, na nagtataka siya kung bakit parang iniilagan talaga ni PACQ ang humarap sa Senado.  Banggit n’ya sa akin, ang imbestigasyon sa Senado ay hindi naman korte na pwede siyang hatulan at parusahan.  Ito ay pampublikong pagdinig lang, na para tulungan ang mga senador na talakayin at magpasa ng bagong batas.

Mayroon nga ring kapangyarihan ang  mga senador na magrekomenda na magsampa ng kaso ang awtoridad laban sa isang mamamayan o opisyal, pero hanggang rekomendasyon lang.

Sa huli, mas maraming tanong ang lumalabas dahil ayaw magpakita at nagtatago si PACQ.,