Home OPINION BATAS HIGPITAN VS CAMOTE RIDERS

BATAS HIGPITAN VS CAMOTE RIDERS

DAPAT palalimin nang husto ng mga awtoridad ang nangyaring malagim na aksidente sa Skyway Stage 3 na kinasangkutan ng isang motorcycle rider at isang kotse.

Kitang-kita kung paano sumalpok ang motorsiklo sa isang SUV at lumipad ang motor rider na bumagsak din makaraan.

Nasa 12 oras umanong nakipaglaban kay kamatayan ang motor rider ngunit bumigay rin ang katawan nito.

Sa huling mga balita, sinampahan ng mga awtoridad ang driver ng kotse ng kaukulang kaso kahit nawasakan ito ng sasakyan at klarong nasa tamang linya at tila nasa tamang bilis din ng takbo gaya ng itinatakda sa parteng iyon ng Skyway na 60 kilometro kada isang oras.

Ngunit malamang na mapapawalang-saysay ang kaso dahil naghain ng affidavit of desistance umano ang pamilya ng motor rider.

Klaro kasing nag-counter flow ito at walang helmet at lisensya nang maganap ang pangyayari.

LASING LANG BA?

Isang malaking katanungan ng ating Uzi, mga Bro, kung lasing lang talaga ang motor rider.

Malaki ang paniniwalang alam na alam ng rider ang lugar, kahit ang mga bawal at hindi bawal na patakaran sa Skyway.

Gayunman, umakyat pa rin ito sa rampang papasok sa Skyway na pa-counterflow mula sa Bonifacio Exit patungong norte sa Balintawak entry point.

Naganap ang aksidente sa pakurbadang area ng Skyway sa tapat ng Balintawak habang naka-high speed ito.

Mismong sa pinangyarihan ng aksidente at maging sa mga oras na nasa ospital, naamuyan umano ng alak ang mortor rider.

At ang impluwensya ng alak, na alam ng lahat, na nakalalasing ang marahil nagtulak sa rider para pumasok sa kalsada na kanyang ikinamatay.

Pero hindi ba magandang isailalim sa laboratory analysis ang bangkay para sa mas malalim na imbestigasyon sa nagtulak sa rider na tumakbo tungo sa kanyang kamatayan?

May interes ang publiko sa pangyayari dahil umaasa silang ligtas ang bumiyahe sa ganyang hindi kumplikadong kalsada ngunit basta na lang silang masangkot sa aksidente mula sa barumbadong motorista.

Bukod sa sila ang nakakasuhan, nasisiraan pa sila ng sasakyan at labis na nagkakaroon ng phobia na hindi naman dapat.

Kaya nga mungkahing palalimin pa ang imbestigasyon at hindi lang hanggang doon lang sa kasuhan, pag-aatras ng kaso, claim sa insurance at kasunduan ng magkabilang panig magtatapos ang lahat.

Sana hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

PATAKARAN HIGPITAN

Marami talagang matitigas ang ulo na motor rider.

Naghe-helmet lang sila kung long distance ang kanilang mga biyahe.

Ngunit kung nasa kani-kanilang bayan sila, walang helmet-helmet at marami pa sa kanila ang walang lisensya.

Sa totoo lang, alam ng lahat ng motor rider ang batas sa helmet, overspeeding, patakaran sa mga superhighway at Skyway at iba pa.

‘Yun bang == mga bawal at hindi bawal, pero marami talaga ang pasaway na kanila ring ikinamamatay.

Ang masaklap, may mga inosenteng nadadamay sa mga lansangan sa katarantaduhan ng mga camote rider.

Dapat higpitan talaga ang pagpapatupad ng batas sa mga nagmomotorsiklo.