MANILA, Philippines – HINDI kailanman kinonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang political enemy.
“I don’t consider him a political enemy. It takes two to tango. I don’t consider him a political enemy,” ayon kay Pangulong Marcos sa media interview sa sidelines ng Philippines-US-Japan trilateral meeting sa Washington, DC.
Hiniritan kasi ang Punong Ehekutibo na magkomento sa naging pahayag ni Digong Duterte na naging “political enemies” na sila (Pangulong Marcos) kasunod ng suspensyon ni Davao del Norte Governor Edwin Jubahib.
At nang tanungin kung handa siyang makipag-usap kay Digong Duterte ukol sa sinasabing “gentleman’s agreement” sa Tsina, ang tugon ng Pangulo ay “Send those documents to me. And then we’ll sit down and discuss it.”
Kasabay nito, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na susuriin at rerebisahin niyang mabuti ang mga dokumento upang sa gayon ay makapagtanong siya ng mga angkop na tanong.
Aniya pa, dapat ay direktang ipadala sa kanya ang mga dokumento at hindi sa Department of Justice (DOJ) o Department of Foreign Affairs (DFA) o sa kahit na alinmang ahensiya ng gobyerno.
“Pag-aaralan ko, mag-uusap kami kung gusto n’ya,” ayon sa Chief Executive.
Samantala, naniniwala naman si Pangulong Marcos na totoong may “secret agreement” na nabuo sa ilalim ng administrasyong Duterte sa Tsina kung ang pag-uusapan ay ang West Philippine Sea (WPS). Kris Jose